ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Daniel Padilla, biktima ng pekeng kaibigan, ayon sa kaniyang Tito Robin


 
 
Ipinagtanggol ni Robin Padilla ang pamangkin na si Daniel Padilla sa gitna ng kinasasangkutang kontrobersiya ng teen actor ngayon.

Kaugnay ito ng pagkalat ng audio-video recording ng pakikipag-usap ni Daniel sa isang kaibigang lalaki sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.

Dito ay madidinig na ikinukuwento ng teen actor ang pakikipag-text niya sa isang taong hindi pinangalan, ngunit base sa espekulasyon ng nakarinig ng recording ay si Jasmine Curtis Smith.

Si Jasmine ay co-star ni Daniel sa pelikulang Bonifacio, na pinagbibidahan ni Robin.

Mismong si Daniel ang nagkumpirma na kaibigan niya ang nagkalat ng naturang recording, na tumagal ng isang minuto at 33 segundo, sa social media.

Si Daniel ay onscreen partner ni Kathryn Bernardo, habang si Jasmine ay karelasyon si Sam Concepcion.

Pahayag ni Robin tungkol sa naturang insidente, “Kawawa si Daniel. Ang mga biktima kasi dito, para sa akin ha, biktima yung pamangkin ko ng mga pekeng kaibigan.

“Pangalawa, biktima rin dito si Jasmine.

“Biktima rin dito si Kathryn, dahil sa isang kaibigang traydor.

“Sana kung meron tayong dapat sisihin sa nangyaring ito, e, yung traydor na kaibigan.

“Hindi si Daniel, hindi si Jasmine, hindi si Kathryn. Lalo si Kathryn.”

Paliwanag pa ni Robin, may mga usapang sa pagitan ng mga magkakaibigang lalaki na dapat ay nanatiling pribado lamang.  

Aniya, “Kasi may mga bagay na private, e. May mga bagay na usapang lalaki.
 
“Hindi naman alam ni Daniel na nahahaluan ng hindi lalaki.”

Kaya naman pinayuhan ni Robin si Daniel na maging maingat sa pagpili ng mga taong dapat pagkatiwalaan.

“Mag-iingat ka, anak. Nasa mundo ka na hindi mo alam kung sino ang tunay mong kaibigan.

“Yung mga usapang lalaki, kami na lang [kapamilya mo ang] isama mo diyan. Huwag na sa iba.”

Nakapanayam si Robin ng selected press, kabilang na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa block screening ng pelikulang Dementia, na pinagbibidahan nina Nora Aunor at Jasmine.

Ginanap ang screening sa SM The Block Cinema 2 ngayong gabi, September 24. -- Rachelle Siazon, PEP

For the full story, visit PEP.