Former actress Cielito Legaspi-Santiago passes away
Pumanaw na nitong Biyernes ng umaga, September 26, ang dating aktres na si Cielito Legaspi-Santiago. Si Gng. Cielito ay ang butihing ina ng Santiago brothers na sina Randy, Rowell, Reily, at Raymart.
Ibinalita ni Raymart ang pagpanaw ng kaniyang ina sa pamamagitan ng isang post sa kaniyang Instagram account.
Nakalagay sa naturang post ang larawan ng ina na may kasamang caption na:
“Dear family and friends, it is with a very heavy heart that we wish to share the very sad news that our dearest mother – Cielito Legaspi-Santiago has joined our creator. During this very difficult time, the outpouring prayers, love, and support of family and friends is absolutely invaluable. We are relieved that her passing was peaceful.”
Si Gng. Cielito ay bumida sa ilang pelikula noong dekada 60's tulad ng "Sumpa at Pangako," "Walang Daigdig" at "Mahal Kita Inay." Kabiyak siya ng yumaong direktor na si Pablo Santiago.
Sa isang ulat ni Rose Garcia sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabing napag-alaman na mahigit isang buwan daw na-confine sa Cardinal Santos Hospital ang Santiago matriarch bago siya bawian ng buhay.
Hindi pa umano malinaw kung ano ang eksaktong dahilan ng pagkamatay ni Gng. Cielito pero ayon sa ilang nakausap ng PEP ay nagkaroon daw ito ng lung infection.
Ipapa-cremate ang mga labi ni Gng. Cielito at hiniling umano ng pamilya Santiago na ang unang gabi ng pagpanaw ng kanilang ina ay maging eksklusibo para sa kanilang pamilya.
Sa mga kaibigan naman ng pamilya Santiago, maaari umanong makiramay at bisitahin ang abo ng namayapa sa La Salle Greenhills Chapel simula sa Sabado, September 27, hanggang sa Linggo, September 28. -- FRJ, GMA News