ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Maricar de Mesa, 'di handang makipag-ayos sa estranged husband na si Don Allado

Tila hindi pa rin nawawala ang sama ng loob sa puso ni Maricar de Mesa para sa estranged husband niyang si Don Allado.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Maricar bago mag-Pasko, sinabi ng aktres na kahit moving forward na siya sa hiwalayan nila ng basketbolista ay hindi sila magkaibigan nito at ayaw niya itong maging kaibigan.
Saad niya, “Civil kami. Hindi naman kami nagbabastusan, pero hindi kami friends.
“Ayoko siyang maging friend. I don’t think he deserves my friendship.
“Kasi kapag nakikipagkaibigan ako, totoo ako sa kaibigan ko, mahal ko ang kaibigan ko.”
Sa mga nakaraang interview niya bago sila maghiwalay ay sinabi ni Marical na “soulmate” sila ni Don. Pero bakit ngayon ay ayaw niya kahit maging magkaibigan na lang sila?
Sagot ni Maricar, “Akala ko rin ganun.
“Noong lumiko siya ng landas, na-lost siya.
“Siya lang naman ang na-lost.”
PETITION FOR ANNULMENT. Si Don ang nag-file ng petition for annulment upang mapawalang bisa ang kanilang kasal.
Paliwanag ni Maricar dito, “Well, noong naghiwalay kami, sinabi na namin na hindi rin lang naman maaayos ito, better yet mag-file na.
“’Bilang ikaw rin naman ang nagsimula ng gulo, ikaw ang gumastos ng malaki. Ikaw ang mag-file.’”
Ang tinutukoy na "gulo" ni Maricar ay ang pagkakaroon diumano ng ibang babae ni Don.
Pero itinatanggi ni Don na may third party sa part niya sa hiwalayan nila ni Maricar.
Komento ng aktres dito, “Sino ba namang lalaki ang aaminin na may third party sila?”
Kilala nga raw ni Maricar ang sinasabing babae ng mister niya.
“Minsan nakikita ko siya sa mga showbiz parties, non-showbiz po siya.
“Pero hindi naman siya makatingin nang diretso sa akin.”
Hindi niya inaway o sinita yung babae?
“Ang cheap naman!” sabay tawa ni Maricar.
Paano niya nadiskubreng nagloko si Don?
“Meron akong… kasi I cannot talk about details now kasi on the process na yung annulment,” pahayag niya.
COMMUNICATION LINE. Nagkausap na ba sila ni Don sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa hiwalayan?
Ayon sa aktres, “Lawyer to lawyer.
“Yung separation of properties, undergoing na.
“Everything ginawa kong detalyado na papers lahat via lawyers.
“Kasi nung nag-uusap lang kami, between us about the agreement, hindi kami magkasundo, e.
“Kailangan talagang legal way talaga.”
Maging ang communication sa kani-kanilang mga pamilya ay hindi na raw nangyayari, ayon pa rin kay Maricar.
Kung may pagkakataon daw na nag-uusap sila, iyon ay para magtanong lang sa ilang mga personal na gamit.
“Yun lang ‘pag paminsan-minsan kapag may kailangan siya, may kailangan siyang itanong sa akin na ako lang ang nakakaalam.
“At ako rin, na may kailangan akong itanong na siya rin lang ang nakakasagot, nagti-text kami.
“Pero isang tanong, isang sagot. Diretso sa kung anuman ang topic.”
Sinubukan ng PEP na kunan ng reaksiyon si Don kaugnay ng mga pahayag ni Maricar, ngunit hindi pa niya sinasagot ang aming text message. -- Rey Pumaloy, PEP
Tags: maricardemesa, donallado
More Videos
Most Popular