Chief of Staff ni Gov Salceda, nanindigan sa kaniyang sinabi laban kay Xian Lim
Sa kabila ng ginawang paglilinaw ni Xian Lim tungkol sa dahilan ng pagtanggi niyang isuot ang damit na may nakasaad na "Albay" nang magtungo sa lalawigan, nanindigan naman ang tauhan ni Governor Joey Salceda na sadyang tumanggi umano ang actor-model na i-promote ang lugar.
Nitong Biyernes, February 20, ibinahagi ni Gov Salceda sa kanyang Facebook account ang isang panayam sa Radyo ng Bayan-Albay. Inilahad niya dito ang pangyayari tungkol kay Xian at sa naging pahayag ng kaniyang chief of staff na si Atty. Carolyn Sabio-Cruz.
Narito ang kuwento na naka-post sa Facebook account ng gobernador:
“Sinabihan siya [Atty. Carol] ni Jockey, isa sa kanyang staff, na dumating na ang actor sa The Oriental Hotel pasado alas-onse ng umaga kahapon [Feb. 19].
"Sinalubong niya ito, bilang bahagi ng Traditional Gift Giving ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay bilang kinatawan ni Gobernador Joey Sarte Salceda.
"Sabi ni Cruz, ‘Welcome back to Albay. Maybe this is your 2nd or 3rd time here. You know I'm so impressed with you because the last time you came here, you really took the van to perform.'"
Hindi raw sumagot si Xian sa mga sinabi ni Atty. Cruz at paismid-ismid lang daw ito sa kanya.
Patuloy pa raw ni Atty. Carol, "Oh, we have something for you."
Habang binubuklat at inaayos ang T-shirt, hinawi raw ni Xian ang kanyang kamay at sabay sabing "Huwag po, ayaw ko po," na ang tinutukoy ay ang T-shirt na ibinibigay sa kanya.
Kaya naman daw ang coffee table book na lang ng Albay ang iniabot ni Atty. Carol sa aktor.
Pero bigla raw nagsalita si Xian ng: "I did not come here to promote Albay."
Matapos daw nito, umalis na lamang sila, pero sabi ng kanyang mga staff ay nakita at narinig nila ang buong pangyayari.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pamamagitan ng telepono kay Atty. Carol nitong Biyernes din, sinabi nitong ini-report niya ang pangyayari sa kanilang group chat.
Kabilang sa miyembro ng kanilang Facebook chat si Governor Salceda, at dito ay nagsumbong siya sa nangyari sa hotel.
Nag-react daw ang gobernador sa diumano’y kabastusan ni Xian.
Pero sinabi raw sa kanilang hindi dapat mai-spoil ang programang nakatakda kinahapunan, kaya daw naglabas si Governor Salceda ng statement pagkatapos na ng programa.
Baka raw kasi wala nang manood sa inihanda nilang pagtitipon sa Fiesta Chinoy 2015.
Dahil sa naturang Facebook post ni Governor Salceda, nagpaliwanag si Xian sa kanyang Twitter tungkol sa pangyayari.
Ayon sa aktor, tumanggi siyang isuot ang t-shirt dahila baka magkaroon ng conflict sa kanyang apparel endorsement. Handa rin daw siyang isuot ito kapag naging malinaw na ang patakaran sa usapin ng damit na kaniyang iniindorso.
Pero ayon kay Atty. Carol, sa panayam ng PEP, wala namang nakalagay brand sa t-shirt kung hindi salitang “ALBAY” lamang.
Tungkol sa ilang panawagan mula sa mga taga-Albay na ideklarang persona non grata si Xian sa kanilang lalawigan, nakasalalay raw ito sa provincial board na pinamumunuan ng kanilang bise-gobernador.
Pero susuportahan daw ni Atty. Carol kung mayroong gagawing hakbang ang board dahil ang ginawa raw ng aktor ay insulto hindi sa kanya kundi sa mga taga-Albay.
Sa isang post ni Governor Salceda, sinabi niyang: "Someone should learn from Ramon Bautista who called the women of Davao as 'hipon.'
"Pero dito wholesale- I DID NOT COME HERE TO PROMOTE ALBAY. Thats all Albayanos across generations, now, before and in the future." -- Arniel C. Serato, PEP
For the full story, visit PEP.