ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Lotlot clueless on rumored wedding of Nora Aunor, Norie Sayo


Pagdating pa lang ni Lotlot de Leon sa press conference ng Tiyanaks kaninang hapon, June 3, sa Imperial Palace Suites ay pinalibutan na siya ng iba't ibang TV crews upang kunin ang kanyang panig sa balitang pagpapakasal diumano ng kanyang ina na si Nora Aunor sa manager nitong si Norie Sayo sa Las Vegas, Nevada. Cool pa si Lotlot noong una nang sinasagot niya ang nasabing isyu at nakukuha pang idaan muna sa biro ang mga pahayag. Pilit mang iwasan ang tanong, hindi rin siya nakapagpigil na magbigay ng pahayag hinggil sa inuusisa sa kanya ng entertainment press. "Masakit siya," pag-amin ni Lotlot. "Totoo man o hindi ang isyu, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. The last time I was able to talk to my Mom sa phone was noong birthday ko pa noong March. Dagdag pa niya, "Nasasaktan ako. Nakakapagod na kasi. Sana nandito ang Mom ko para siya mismo ang makasagot sa mga tanong ninyo. Anak lang ako and I know, anuman ang sabihin ko, I can only say so much." Paulit-ulit ang pagtatanong ng mga kaharap na TV crew ni Lotlot sa kanya. "Kung anuman ang nangyari, totoo man 'yon o hindi, diskarte niya [Nora] 'yon, desisyon niya 'yon. Pero alam nyo 'yon, nasisiguro ko naman na kung anuman ang pinasok niya—totoo man ito o hindi—alam kong sa puso niya, hindi pa rin niya isasantabi ang kapakanan naming mga anak niya. Na iniisip pa rin niya kaming lahat," sabi ni Lotlot. Hindi pa ba nakakausap ni Lotlot ang mga kapatid niyang sina Ian at Kiko na tumungo sa US upang bisitahin ang kanilang ina? "Nasa Las Vegas, nasa US pa si Kiko. Si Ian naman, hindi pa kami nagkikita at nagkakausap," sagot niya. SAME-SEX MARRIAGE. How did she react nang makarating sa kanya ang balita tungkol sa sinasabing same-sex marriage? "Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Kauuwi ko lang noon, galing sa shooting namin ng Tiyanaks. Si Dolly Anne [Carvajal] ang nag-text sa akin about it at hinihingi niya nga ang opinyon ko regarding the issue. Ako ang nagulat kasi wala talaga akong kaalam-alam. Sabi ko nga, ‘Ha? Naidlip ba ako for ten years at wala man lang akong nalaman kung ano itong isyu na ito?'" kuwento ng adopted daughter nina Nora at Christopher de Leon. Kilala niya ba si Norie Sayo? Ani Lotlot, "I grew up in this industry na halos lahat ng mga tao rito nakilala ko na. Lahat ng klase, nakahalubilo ko na. And gender to me is not an issue. Yes, nakilala ko si Norie noong naging manager na siya ni Mama. We've known her na for such a long time. "Hindi ko lang alam if all those years we've been facing her, e, kung totoo ba o hindi. Hindi naman siya nagsasalita about it or nagpapakita ng signs kung ano nga ba ang relasyon niya with my Mom. "Kaya, when this came out, tinatawagan ko naman si Norie, pero hindi niya ako sinasagot. Kasi kung meron mang dapat na maglinaw ng mga lumabas o magsalita about it, siya dapat ang humarap sa inyo para sagutin ang mga tanong na sa akin ninyo hinahanapan ng sagot. Kaya hindi si Mama ang gusto kong makausap, kundi siya. "My Mom will always be my Mom. Kahit na ano ang mangyari. Nagawa na niya ang lahat para sa aming mga anak niya. At anuman ang kahantungan ng lahat ng ito, alam kong kami pa rin ang magsasama-sama in the end. And I know we will always be there for her," mahaba niyang pahayag. Lotlot burst out at hindi napigilan ang pag-iyak nang sige pa rin ang tuloy ng pag-uusisa sa kanya tungkol sa nasabing isyu. "Nanay din ako, e. And I believe, bilang isang anak, at eldest sa amin ng mga kapatid ko, meron akong responsibilidad para harapin ang mga bagay na ito para sa nanay ko. Kaya nga lang, I am at a loss dahil wala talaga akong masasabi dahil wala akong nalalamana sa kung ano ba talaga ang nangyayari. "Ano ba ang nangyayari? Hindi ako nagtataray kay Norie. Hindi ko siya ganoon kakilala at ang alam ko lang talaga sa kanya, manager ni Mama. As my Mom's daughter na siyang kailangan to always face the cameras, hindi madali ito. Ako ang napapaligiran ninyo ngayon, e, when I am not in the know kung ano ang sasabihin ko. Ano ang isasagot ko sa inyo? Ano ang kaklaruhin ko?" naiiyak na pahayag ni Lotlot. Nang hindi na mapigilan ni Lotlot ang sarili, sinamahan namin siya sa ladies' room ng Imperial Palace Suites at doon na tuluyang umiyak nang umiyak ang aktres. "Ang hirap," sabi niya. "Hindi ko alam ang isasagot ko. Sinasabi ko nang wala akong alam. Alam mo 'yong feeling na parang anak ka, wala kang alam? E, 'yon naman talaga ang totoo. Kaya nasabi ko na, 'Tutal, si Norie naman ang sikat ngayon, e, di siya ang tanungin nyo.' Kaya nga sana, siya ang umuwi rito at magpaliwanag. "Alam ko, naiintindihan ko lagi ang Mama ko. Alam ninyo 'yan. Kahit na ano ang maging desisyon ni Mama sa buhay niya, never kaming naging hadlang dito. Pero sana lang, nalalaman namin ang mga nangyayari sa kanya. May responsibilidad ako para ipagtanggol ang Mama ko, lalo na kung masyado na ang paninirang inaabot niya dahil diyan sa isyu na 'yan. Sana lang, hintayin na lang nating dumating 'yong panahong siya o si Norie na mismo ang nagsasalita. Dahil hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga tanong na inihahain sa akin." Sabi nga ni Lotlot nang pabalik na ito sa conference room, she has no choice but to be strong, not just for her Mom but for their family as well. Idinagdag din ni Lotlot ang pasasalamat, lalo na sa mga Noranians na anuman ang mangyari sa kanilang idolo ay hindi sila iniiwan at patuloy pa ring sumusuporta sa Superstar. - Philippine Entertainment Portal

Tags: noraaunor