Herbert Bautista denies pursuing Jasmine Lee: 'Hindi ko nga alam ang number niya, e'
Hindi nakaligtas si Quezon City Mayor Herbert Bautista sa pag-usisa ng press tungkol sa babaeng nali-link sa kanya ngayon, ang Philippine-born South Korean television personality, actress at civil servant na si Jasmine Lee.
Na-elect si Jasmine bilang proportional representative sa National Assembly ng South Korea noong 2012. Siya ang kauna-unahang non-ethnic Korean at naturalized South Korean na maging lawmaker.
Pero ayon kay Herbert, nagulat na lang daw siya na lumabas na sa mga pahayagan at sa entertainment websites ang tungkol sa kanila ni Jasmine, pati na rin ang pagli-link sa kanila.
Pahayag ni Mayor Herbert sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Hindi ko nga alam kung saan galing iyan, e.
"Si Jasmine is a very nice person. Proud lang ako.
“’Di ba, siyempre proud tayo kay Manny Pacquiao, proud tayo kay Lea [Salonga], proud tayo sa mga Pilipinong nag-e-excel sa ibang bansa, kinikilala.
“So, I’m just proud of her na she’s the representative ng iba’t ibang lahi na nakatira at nagtatrabaho sa South Korea.
“And malaking bagay na Pinoy siya, karangalan ng mga Pilipino yun e.”
Ipinanganak sa Pilipinas si Jasmine bilang Jasmine Villanueva Bacurnay noong January 6, 1977.
Noong 1994, nakilala niya ang South Korean mariner na si Lee Dong-ho sa Davao del Norte noong college student pa lang siya sa Ateneo de Davao University.
Magkasama silang pumunta sa South Korea noong 1995 at nagpakasal noong 1996. Pero maagang nabiyuda si Jasmine dahil namatay ang asawa niya sa heart attack noong 2010 sa pagsagip sa kanilang anak sa pagkalunod.
Diretso nang tinanong ng press si Herbert kung bakit sa tingin niya ay inirereto o inili-link sa kanya si Jasmine.
Sagot niya, “Ewan ko nga, e.
"Wala, kumain lang kami, e, kumain lang talaga kami sa bahay ni Ambassador [Raul] Hernandez, Philippine ambassador to South Korea.
“Kasama ko yung iba kong konsehal, kasi nandoon kami to represent Quezon City on the issue on environment.
“Nandoon din ako as president ng mga city sa buong Pilipinas.
"So, eat lang, doon lang kami nagkakilala.”
Wala naman daw sila masyadong napag-usapang personal sa kanilang pagkikita.
Pero sa tingin niya, posibleng magustuhan o ligawan niya in the future si Jasmine?
“Hindi ko alam,e,” sambit ni Mayor Herbert.
Wala na ba silang komunikasyon pagkatapos nilang magkita sa South Korea?
“Hindi ko nga alam ang number niya, e.”
Hindi ba sila nagsabihan ng 'see you again' noong nagpaalaman sila?
“Wala, e. Yung pagkikita namin, it’s purely international relations.” -- For the full story, visit PEP.