ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joel Lamangan: 'Sa bayang ito, kapag mahirap ka, kawawang-kawawa ka...lalo na kapag bakla ka'



 
Pinabulaanan ni Joel Lamangan ang balitang magreretiro na siya sa pagiging direktor.

"Mali ang balita, hindi ako magre-retire!" bulalas ng beteranong direktor.

Dagdag pa niya, “E, ang daming offer, sa BG Productions na lang mayroon akong tatlo.

“Babalik pa ako sa Sugo, may gagawin pa ang Viva sa TV, may special soap pa.

“Tapos ngayon, magdidirek pa ako nitong Sekyu ni Allen Dizon.

“So, paano ako magre-retire? Sayang ang datung, malaki-laki ang nagastos ko [sa hospital].

“Kung sino man ang nagtsitsismis na yun, baka may galit sa akin.

“Hindi totoo yun. Wala sa bokabularyo ko ang retirement.

“Hanggang kailangan ako, hanggang may nagtitiwala sa akin, nandiyan ako.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Joel sa ginanap na launching at story conference ng bago niyang pelikula, ang Sekyu, sa Han Pao Tea House sa Shaw Boulevard, noong June 23.

Ang Sekyu ay mula sa BG Productions International at tinatampukan nina Allen Dizon, Sunshine Dizon, at Gladys Reyes.

Kumalat ang balitang magreretiro na sa pagdidirek si Joel matapos magkaroon ng mild stroke last May 4 ang batikang direktor at ma-confine sa Makati Medical Center.

“Ako’y inatake, pero hindi tumabingi ang mukha ko, hindi ako naparalisa. Pagtingin ko sa salamin, ‘Ay, maganda pa rin ako!” pabirong saad niya, na idinagdag pang hindi nakangiwi ang mukha niya.

Patuloy ni Direk Joel, “Ang inatake sa akin ay yung cerebellum.

“Ano ba iyong ung cerebellum? Ang cerebellum ay doon yung ating balanse.

“Nawalan ako ng balanse, hindi ako nakakatayo.

“Sabi ng doctor, ‘Ay, naku, it will take time.’ Baka isang taon daw bago bumalik yung pagbalanse ko.

“Sabi ko, ‘Ay, hindi, ayoko!’ Naging definite ako na kailangan kong tumayo.

“Kasi ayaw ko ng pinaliliguan, ayaw kong dinadala sa banyo, ayaw ko ng ganoon.

“Sinabi ko sa sarili ko na, ‘Hindi! After four days, tatayo ako!’

“Kaya ayun, after four days, tumayo na ako at nagulat sila.”

Sa ngayon daw ay sumasailalim siya sa therapy.

Ano ang natutunan niya sa pangyayari?

Saad ni Direk Joel, “Na dapat, maghinay-hinay. Kasi ako, ang bilis-bilis ko, e. 

“Hindi ako mabagal, nabu-bore ako sa mabagal, ngayon it pays to take time.

“Isa pa sa natutunan ko sa pangyayari, na kapag ikaw ay mahirap, mamatay ka na lang.

“Sa bayang ito, kapag mahirap ka, kawawang-kawawa ka.

“Lalo na kapag bakla ka.

"Mayroon kasi akong na-meet na bakla doon sa hospital.

“Kaya kapag bading ka, mag-ipon ka ng pera. Para kapag nagkasakit ka, mayroon kang madudukot.”

Sinabi rin niyang mas kontrolado na ngayon ang kanyang pagkain.

“Nagbawas ako ng pagkain, tingnan mo at namayat na ako.

“Kaunting kanin na lang, tapos lahat ng maalat at lahat ng matamis ay bawal.

“Pero hindi ko sinusunod parati. Kasi, mamamatay naman ako sa gutom.

“So, mamamatay din ako… kaya kapag kumakain ako, in moderation.” -- For the full story, visit PEP.
 

Tags: joellamangan