ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Annabelle Rama brings the house down with her funny speech at son's wedding reception




Mistulang naging stand-up comedienne ang talent manager at celebrity mom na si Annabelle Rama nang magbigay siya ng mensahe sa wedding reception ng anak niyang si Elvis Gutierrez at ng misis nitong si Alexa Uichico.

Ikinasal sina Elvis at Alexa, pagkatapos ng ilang taong pagsasama, nitong Biyernes, June 26, sa Santuario de San Antonio, sa Forbes Park, Makati City.

Ginanap naman ang reception sa The Blue Leaf Events Pavilion, sa McKinley Hills, Fort Bonifacio, Taguig City.

Sa nasabing reception ay sumakit ang sikmura sa kakatawa ng halos lahat dahil sa naging mensahe ni Annabelle sa bagong kasal.

Ayon kay Annabelle, si Elvis ang pinakapaborito niya sa lahat ng anak nila ni Eddie Gutierrez, kaya naman naging punong-abala talaga siya sa preparasyon ng kasal nito.

“Alam niyo, si Elvis, isa sa pinaka-favorite kong anak.

“Alam naman nila Richard [Gutierrez] ‘yan. Hindi siya magseselos.

“Kasi si Elvis, ipinanganak ko sa States. Muntik na akong mamatay nang ipanganak ko sa States si Elvis.

“Kasi, English akong kinakausap ng doctor. 

“Sinabi sa akin ng doctor, ‘You want normal or natural?’

“Anong pipiliin ko kaya? Sabi ko, ‘I want natural.’

“’Oh, congratulations!’

“’Bakit kaya?’

“So, noong ipinanganak ko si Elvis, wala akong anaesthesia. 

“Mamatay talaga ako sa sakit! Mamatay na talaga ako! Pati labor, mamatay na ako!

“Tapos nagpasalamat ako sa Sto. Niño, nabuhay ako.

“Kaya Elvis, ikaw ang pinakamahal ko sa lahat ng anak ko.

“Kaya napakasuwerte mo, Alexa. Talagang ‘Impossible Dream’!

“Ipinakanta ko talaga kay Gerphil [Flores], alam mo ‘yan, ‘Day [Alexa], di ba?”

Sabi pa niya, “Mahal ko naman si Alexa.

“Noon una, yung mga babaeng nililigawan ni Elvis, nagseselos talaga ako.

“Palagi kong dini-discourage si Elvis.

“Noong sila ni Alexa na, sabi ko, ‘Sino ba, Elvis, ‘yang babaeng dumadalaw sa ‘yo?’

“Sabi ko, ‘Okey ba ‘yan?’

“Tapos, in-explain sa akin ni Elvis ang background ni Alexa.

“Nagustuhan ko naman. Kasi, nag-i-English siya, magaling sa English.

“Ang tawag ko kay Elvis, Elbot. Hanggang ngayon, baby ko ‘yan.

“Hi Baby! Baby ko ‘yan.

“Kaya sabi ko kay Elvis, ‘Kapag nagpakasal ka kay Alexa, wala ka nang iintindihin. Kahit matulog ka na, ako na ang bahala sa buhay ninyong dalawa.’

“Kaya mula sa gown, sa alahas, sa party, wala silang pagod na dalawa. Ako lahat.”

Ikinuwento rin ni Annabelle na hanggang madaling-araw ng araw ng kasal nina Elvis at Alexa ay gising siya at inaasiko pa rin ang ilang detalye sa mangyayaring kasalan.

“Kaninang alas-tres ng umaga, nagpunta pa ako dito.

“Tsinek ko lahat ang mga tables kung okey. Okey naman.

“Lahat ng caterer, pinakialaman ko. Kaya 4 o’clock na kami… sorry, na-late ako sa simbahan.

“I want it to be perfect.

“Gusto ko, enjoy kayong lahat na pupunta rito, sa pagkain, sa lahat.”

MORE FUN. Lalo namang nagtawanan ang lahat nang magpasalamat na si Annabelle sa mga bigating ninong at ninang nina Elvis at Alexa.

Twenty-seven pairs o 54 individuals ang kinuhang principal sponsors sa kasal nina Elvis at Alexa na mula sa showbiz, pulitika at may nasa gobyerno.

Sabi ni Annabelle, “Thank you so much sa lahat ng mga ninong, ninang… na alam ko sapilitan na umokey sa akin.

“Siyempre, sa mga mayaman kong ninang, thank you so much sa mga envelope.

“Mga taga-Cebu, Mariquita Yeung, Lhuillier… ang dami, grabe!”

Kuwento pa niya, “Kami nina Elvis at Alexa, muntik nang mag-away.

“Kasi, gusto ko, yung mga ninong at ninang, lahat galing sa akin. 

“Sabi naman ni Alexa, ‘Tita, may Daddy rin ako. May mga kaibigan din ang Daddy ko. Hati na lang tayo.’

“’O, sige, fifteen ang sa akin, ten ang sa ‘yo.’

“Nagkasundo naman kami.

“Kaya kapag may mga narinig kayong Coyuito, Aboitiz, yung mga sikat na pangalan, sa kanilang side yun. 

“Ako naman, Bongbong Marcos, Erap Estrada… basta hati kami.”

Nagpasalamat din si Annabelle kay Manny Osmeña na nagbigay raw ng hundred bottles of wine and champagne.

“Nagpapasalamat din ako sa mga taong nagmamahal sa akin, kasi sa kakulitan ko sa pagti-text, pagme-message ko, pinipilit kong mag-English para maintindihan sa lahat.

“Bahala na kung wrong spelling.

“Ang taga-text ko, palaging wrong spelling, Bisaya!

“’Hindi, Ma’am, mali ka.’

“’Ay, tarantada ka, ikaw ang mali! Yung i, ginawa mong e!’

“Kaya hiyang-hiya ako sa mga ninong! Minsan, akala siguro ako ang nag-i-English, hindi ako yun.

“Tama ang English ko kasi ipinapa-approve ko muna kay Alexa.

“Pero pagdating sa text, yung katulong ko, dahil Bisaya siya, yung i naging e. Kaya nag-aaway kami lagi ng alalay ko. 

“Kaya ako, haping-happy tonight.” -- For the full story, visit PEP.