Jiro Manio sa mga nagmamalasakit: 'Salamat na lang, kaya kong mabuhay mag-isa'
Naging mailap ang dating child star na si Jiro Manio nang lapitan siya ng media sa loob ng Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Martes, June 30.
Nagpunta ang mga taga-media sa NAIA Terminal 3 matapos makumpirma na siya nga ang nasa larawan ng isang lalaking palaboy-laboy raw sa loob ng airport terminal at nanghihingi ng pagkain.
Sa ulat na lumabas kahapon, apat na araw nang pakalat-kalat sa NAIA Terminal 3 si Jiro.
Tinulungan daw siya ng ilang mga biyahero at airport attendants, pati na ng security guards ng airport, upang makakain at makapagbihis ng bagong damit.
WATCH: Dating child star na si Jiro Manio, palaboy-laboy umano sa NAIA
Basahin: Netizens ask: Why, Jiro Manio?
Sa lumabas na video interview ni Jiro, halatang pilit siyang umiiwas nang makita ang mga reporter na gusto siyang makapanayam.
Pero nagawa pa rin siyang tanungin ng mga reporter, na kinabibilangan ng Showbiz Konek host at dati ring child star na si IC Mendoza.
"Sino nagkakalat? Sige nga, ipaliwanag niyo... sino naninira sa akin?" sagot ni Jiro nang sabihin na kumalat sa Internet ang larawan niya na nasa airport.
Nang sabihin naman ng isang reporter na "concerned" lang ang naglabas ng larawan niya sa Facebook, ito ang naging tugon ng dating child star: "Concerned? Para saan naman yung concern?"
Dagdag pa niya, "Ano ba ang naging problema, bakit... Bakit nag-aalala, kaanu-ano ko ba sila?"
Nang sabihin ni IC na ang mga taong nag-aalala sa kanya ay mga nakatrabaho niya noon, sabi ni Jiro: "Hindi, hindi ko sila nakatrabaho. Iba ang trabaho ko... hindi ako artista."
Sabi pa niya tungkol sa hindi niya pagiging artista: "Ano ko lang yung, e... nickname ko lang naman kasi yun, e."
Buwelta pa niya sa mga reporter na kaharap: "Ano ba ang gusto niyong malaman sa showbiz, tungkol sa akin?"
Nang tanungin kung bakit siya nasa airport, tugon ni Jiro: "E, wala akong mapuntahan, e! Natural, maaano ako dito. Nag-iistambay ako dito. 'Tsaka aalis ako, e."
Nang tanungin kung saan siya pupunta, sabi ng young actor: "Ay, hindi puwedeng malaman."
Halatang hindi na kumportable si Jiro sa sunud-sunod na pagtatanong sa kanya ng media, kaya naman sabi niya sa mga ito: “Tama na, tama na, okay na. Nagugulo isip ko, e, 'pag ano...
“Nagtatanong kayo… Tama na, tama na.
"Huwag niyo na akong piliting mag-ano dito, ha..."
Pero patuloy pa rin ang pagtatanong sa kanya at panay rin ang iwas ni Jiro.
Nang may magtanong kung may mensahe siya para sa kanyang pamilya, sagot ni Jiro: "Hindi, wala... baka drama lang yun para bumalik ako dun. E, gulo lang yun, away lang yun."
Nang tanungin naman tungkol sa mga gasgas at galos niya sa leeg ay umiwas muli si Jiro at nakiusap na patayin na ang mga kamerang kumukuha sa kanya.
"Tama na, tama na," sabi niya, sabay tabig sa mikroponong nakaharap sa kanya.
"Huwag niyo na akong piliting mag-ano dito, ha. Nakakahiya, may mga security, o."
Sa kabila ng pahayag niyang ito ay hindi pa rin tumigil sa pagtatanong ang media.
Tinanong si Jiro kung may mensahe sa mga taong nagmamahal pa rin sa kaniya hanggang ngayon.
Sagot dito ni Jiro: "Salamat na lang, kaya kong mabuhay mag-isa."
Sa edad na 12, si Jiro ay tinaguriang “youngest best actor” ng Philippine showbiz dahil sa tatlo nitong Best Actor awards para sa pelikulang Magnifico(2004).
Twenty-three years old na ngayon si Jiro at may isa nang anak na babae.
Iginiit din ni Jiro na hindi siya artista nang may nagbanggit na isa siyang mahusay na artista.
Hindi na rin daw siya babalik sa pag-arte.
Pagkatapos nito ay hindi na niya sinagot ang mga sumunod na tanong sa kanya.
Nitong Martes ng gabi, nagdesisyon ang NAIA security na pansamantala muna nilang kupkupin ang aktor habang hinihintay ang mga susundong kamag-anak nito.
Pero kaninang pasado alas-diyes ng umaga, July 1, ay sinundo na raw si Jiro ng kanyang nakababatang kapatid na si Anjo Santos sa airport.
Napag-alamang lumayas si Jiro sa kanilang tahanan sa San Juan City noong Sabado, June 27, nang makasagutan daw nito ang kanyang foster father na si Andrew Manio. -- For the full story, visit PEP.