ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Foster dad wants Jiro Manio to seek treatment for depression
By NIKKO TUAZON, PEP
Ibinahagi ng ama-amahan ni Jiro Manio na si Andrew Manio sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang nangyari noong gabi bago mawala ang dating child star at mapadpad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Nitong nakaraang linggo, naging usap-usapan ang balitang nakita si Jiro na pakalat-kalat na lang daw sa NAIA.
Tila wala na rin daw sa katinuan ang aktor at namumuhay na lamang sa bigay na tulong nga mga nakakakita sa kanya roon.
Inamin ni Andrew sa panayam sa kanya ni Jessica Soho na nagkaroon sila ng sagutan ni Jiro dahilan para umalis ng kanilang bahay ang aktor.
Kuwento niya, "Saturday nga yun, medyo nagtalo kaming dalawa.
"Sabi ko sa kanya, 'Wag mo naman akong laging inaangasan. Binabastos mo na ako, nawawala na yung paggalang mo sa akin.'
"Hanggang sa, yun nga, para siyang bugnot na ano... parang ayaw niya na nasasabihan.
"Tapos ayun, sinapak niya ako."
Sa hiwalay na panayam ng Startalk, sinabi ni Andrew na inakala nitong sa may bakery malapit sa kanilang tinitirhan lang magpapalamig ng ulo si Jiro, hanggang sa hindi na ito umuwi sa kanila.
Kasama si Andrew sa susundo sana kay Jiro sa NAIA noong Miyerkules ng madaling-araw, July 1, ngunit hindi na nito hinarap si Jiro dahil baka kung ano pa ang mangyari.
Alas-diyes na ng umaga pumayag si Jiro na sumama sa kanyang kapatid na si Anjo Santos kasama ang dalawa nitong kaibigan.
Sa pagpapatuloy ng panayam ni Jessica kay Andrew, sinabi nitong naka-recover naman ang kanyang anak-anakan matapos boluntaryong magpa-rehab nito noong 2011.
"Hindi naman siya... maayos naman, tuluy-tuloy pa rin yung buhay niya.
"Kaya lang, ayaw na niya talagang muna sa mga taping, mga shooting."
Ngunit ang iniisip na dahilan ng ama-amahan ni Jiro kung bakit mukhang tuliro at wala sa tamang pag-iisip ang anak ay dahil sa depresyon.
Sabi ni Andrew, "Nakabawi naman siya kaya lang parang na-depress siya nung ano, e, itong last kasi inisip niya yung Mommy Lola niya sa Japan, matutulungan siya.
"Umasa siya sa salita ng Mommy Lola niya."
Ang tinutukoy na "Mommy Lola" ni Jiro ay ang nanay ng yumaong ina ng aktor na si Joylene Santos.
"Parang tinalikuran na si Jiro, [parang] wala nang pakialam kay Jiro tutal malaki na si Jiro 'tsaka yung kapatid niya."
Dagdag pa ni Andrew, "Siguro napunta ng airport yung bata, parang inisip niya darating yung Mommy Lola niya na, 'Pupuntahan, susunduin ko yung Mommy Lola ko.'
Nanghihinayang din daw si Andrew sa kinahinatnan ng kanyang anak-anakan.
"Ang dami nga pong nawala kay Jiro.
"Ang dami ngang nanghinayang kay Jiro dahil ang sabi nga, e, hindi lang siya Best Child Actor, Best Actor na talaga.
"Nanghinayang dahil ang daming nawala kay Jiro, nasira ang buhay niya.
"Kaya masakit din sa kalooban ko yung nangyari kay Jiro."
Sa ngayon, nais humingi ng tulong ni Andrew sa lahat upang maipagamot si Jiro.
"Ang gusto kong mangyari, madala na si Jiro sa pagamutan para magamot na siya.
"Kaya nga po ako ay humihingi ng tulong sa lahat." —PEP
Tags: jiromanio
More Videos
Most Popular
