ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Wally Bayola repays Dabarkads for second chance





Marami ang nagsasabing nakabawi na si Wally Bayola mula sa kinasangkutan niyang eskandalo noong 2013, dahil sa mahusay na pagganap niya sa iba’t ibang karakter sa Eat Bulaga.

Sa kasalukuyan ay kinagigiliwan ng mga tagasubaybay ng Kalyeserye ng Eat Bulaga! ang pagganap ni Wally bilang Lola Nidora at Duhrizz.

Kaya paulit-ulit na nagpapasalamat si Wally sa Diyos dahil binigyan siya ng pagkakataong makabalik pagkatapos ng iskandalong pinagdaanan niya.

Nagpapasalamat din ang komedyante sa mga sumusubaybay sa Eat Bulaga! o ang Dabarkads dahil tinanggap siya uli.

“Parang yung chance na ibinigay sa akin, parang suklian ko naman nang hindi naman kayo magsisi na binigyan niyo ako ng chance.

“I need to do my job very well,” seryoso niyang pahayag sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, August 21.

Maging ang pamilya raw ni Wally ay aliw na aliw sa pinaggagawa niya sa Eat Bulaga.

“Sa bahay, sila ang number one na nagku-comment sa akin.

“Ang nanay ko, tawa nang tawa sa akin.”

Pati raw ang anak niyang may sakit, na sa bahay na lang nagpapagaling, ay natutuwa at nakikita niyang proud na proud sa kanya.

FRANKIE-YAYA DUB WEDDING. Natawa naman si Wally sa ipinost ni Joey de Leon sa kanyang Twitter account (@AngPoetNyo) tungkol sa pagpapakasal uli nina Frankie (Jose Manalo) at Yaya Dub (Maine Mendoza) sa inaabangang Kalyeserye ng Eat Bulaga!

Ayon sa Twitter account ni Joey, na ipinost niya noong Huwebes, August 20: "Check your sked on Saturday-Kasal Part 2 ni Frankie & Yaya at YAYA-O na si Lola Nidora!#ALDUBisfoREAL #EatBulaga @EatBulaga #ALDUBNation"

Sabi ni Wally, talagang kaabang-abang ang kasalang Frankie at Yaya Dub ngayong araw. Pero baka hindi pa naman daw mamatay si Lola Nidora.

Tinaningan na kasi ng doktor si Lola Nidora na hanggang ngayong Sabado, 2:30 P.M., na lang ang itatagal ng kanyang buhay.

Naghihingalo na raw kasi si Lola Nidora kaya nagdadatingan na ang mga kamag-anak nito.

“Kaya lang, si Lola marami siyang manggagamot—ang mga siyensiya, ang mga scientist—na ma-revive lang siya,” sabi ni Wally.

Kaya asahan pa raw ang paglabas ng iba’t ibang karakter na gagampanan pa rin ni Wally. Lahat daw kasi sila ay mga kamag-anak ni Lola Nidora.

“Si Duhrizz na apo ni Lola Nidora, New Yorker siya dapat, e, hindi naman ako magaling mag-English… bahala na.” -- For the full story, visit PEP.