ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gusto rin ba ninyong magtapat sina Lola Nidora at Antonietta?


Kuwela ang paggi-guest ni Betong Sumaya sa Sunday Pinasaya noong Linggo, September 13.
Siya at si Mae Bautista ang nakasama ni Marian Rivera sa comedy segment nitong “Judge MD,” kung saan ang naging eksena ay nag-aaway sila dahil sa eskinita.



Girl ang kanyang character, pero hindi bilang si Antonietta na kinaaaliwan ng marami sa Bubble Gang.

Para kay Betong, iba pa rin kapag character ni Antonietta ang ginagawa niya.

Sabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Iba, kasi kontrabida ako ng mga kontrabida sa mga telenovela.

“At siyempre bilang si Antonietta, binabasag ko ang mga cliché at ang mga nangyayari sa mga telenovela. 

“Na parang ang ipinanggagalaiti niya ay pinaglololoko ang mga televiewers, e, gusto niyang bigyan ng linaw ‘yon.

“At napakagandang role!"


 
SLAP HAPPY. Sino nga ba ang sinasampal at ang sinasabunutan ng mga kontrabida?
“Hmmm… si Antonietta!

“At napakasarap ng feeling na sinasampal ako ng mga kontrabida… sino ba naman ang hindi matutuwa?

“I’m very proud to say na nasampal na ako ni Cherie Gil, Jaclyn Jose, Celia Rodriguez, Chanda Romero, Odette Khan… ang dami!”

Sino naman ang pinakamalakas manampal sa mga nakaeksena ni Antonietta?

“Naku, si Gladys Reyes, siya talaga ang pinakamatindi so far!” tawa ni Betong.

Kanino naman siya kinabahan nang husto bago ang eksenang pagsampal sa kanya?

“Ay, si Celia Rodriguez at saka si Cherie Gil... mga ano ‘yan, e, mga beterana na talaga. 

“Pero mababait sila, sobrang supportive, at nakakatuwa na talagang alam mo na sinusuportahan ka nila sa eksena ninyo.”

LONGEVITY. Two years nang ginagawa ni Betong ang character na Antonietta sa Bubble Gang.
Aniya, “Yes, at thankful ako!

“Dahil sa character ko ay nakakabiyahe ako sa ibang bansa para sa GMA Pinoy TV.

“Nakapunta ako ng USA at saka Canada kaya thank you!”

Ano o sino ang naging peg niya para sa karakter ni Antonieta?

“Actually ang peg talaga niyan, si Mr. Asimo, e,” pagtukoy niya sa character na pinasikat din ni Michael V. sa Bubble Gang.

“Pero kasi si Kuya Bitoy dun, mataray, e. 

“Ito naman si Antonietta, mataray na babae na kontrabida na, in a way, kailangang funny din.

“So, ang naging peg ko ay ang pagiging mataray ni Kuya Bitoy as Mr. Asimo.”

Habang tumatagal ba ay napi-pressure siya kaugnay ng longevity na puwede niyang magawa sa kanyang character as Antonietta?

“Oo, siyempre kasi kailangang ma-sustain mo siya.

“Pati yung excitement ng mga tao, ma-build up palagi.

“Kaya nga yung mga nagiging guest ni Antonietta, talagang mabibigat na kontrabida.”
 
LOLA NIDORA FAN. Sa ngayon, ang pinakabagong kinaaaliwan ng marami ay ang karakter ni Wally Bayola bilang si Lola Nidora sa Kalyeserye ng Eat Bulaga, kung saan bidang-bida at talagang inaabangan ang tambalang AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza o Yaya Dub.

Hindi ba threatened si Antonietta kay Lola Nidora?

Sabi ni Betong, “Ako, sobrang fan talaga ako ng Lola Nidora.

“Actually hindi threatened dapat… mas maganda nga na mas maraming mga characters na nabubuo sa TV.

“At least dumadami yung mga aabangan ng mga televiewers, so okey lang siya.

“Sana nga magkaroon ng time na magkasama kami sa eksena, masaya ‘yon, di ba?”

Hindi rin daw niya nakikita na kakumpitensiya ni Antonietta si Lola Nidora.

“Hindi competition kasi sa TV naman talaga, maraming characters na nabubuo, they come and go. 

“Yung Antonietta, two years na, pero si Lola Nidora, iba, e, iba ang dating.

“So, ang saya, sana magkaroon kami ng chance na magkaharap at magkalaban talaga.” -- For the full story, visit PEP.