ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Glydel Mercado recalls fond memories of Kuya Germs
By RUEL MENDOZA, PEP
Isa sa mga sobrang nalungkot sa pagpanaw ng Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno ang award-winning actress na si Glydel Mercado.
Naiyak si Glydel habang ikinukuwento ang pagdating sa kanya ng malungkot na balitang namaalam na si Kuya Germs.
"Hindi ako mahilig sa social media talaga. Hindi ako active sa Facebook at wala akong Twitter. Viber lang meron ako."
"Noong magkausap nga kami ni Nadia Montenegro sa Viber, nabanggit nga niya ang kalagayan ni Kuya Germs. Kaya ako, biglang nag-post sa Facebook page ko. Pinost ko lang na magdasal tayo para kay Kuya Germs. Habang nagta-type ako, naluluha ako. Hindi ko alam kung bakit."
"Marami akong natanggap na response from other members ng That's Entertainment. Hindi nga ako nakatulog nang maayos dahil naiisip ko si Kuya Germs."
"Noong umaga, papasok na sa school si Aneeza, siya pa ang nagsabi sa akin na wala na si Kuya Germs. Doon na ako umiyak. Noong mag-check na ako ng Facebook, marami nang nag-post ng condolence nila kay Kuya Germs."
"Parang hindi ako makapaniwala na ang tinuring naming tatay sa showbiz na laging masaya, puno ng sigla ay biglang wala na. Ang hirap tanggapin, pero kailangan."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Glydel sa press launch ng GMA afternoon teleserye na Wish I May sa GMA Network Center noong January 8.
FOND MEMORIES OF HER MENTOR.
Marami raw magagandang alaala si Glydel with Kuya Germs.
Hindi raw niya makakalimutan ang mga mahahalagang pangaral na ibinihagi nito sa kanya.
"Hindi lang kasi tatay si Kuya Germs sa akin kundi ninong pa namin siya ni Tonton [Gutierrez] sa kasal. Kaya Ninong Tatay ang tawag ko sa kanya."
"Tuwing makakasalubong namin ni Ton si Kuya Germs, lagi 'yang may blessing sa amin... Na maging maayos ang pagsasama namin at lagi naming bigyan ng importansya ang pagsasama namin kahit na sobrang busy kami sa trabaho."
"Sinusunod namin ang mga bilin niya at heto, tumagal na kami ni Ton ng eleven years bilang mag-asawa."
"Malaking part ng buhay namin ni Ton bilang mag-asawa si Kuya Germs kasi hindi siya nakakalimot sa mga special occasions. Yung pagiging ninong niya sa amin ay talagang ginagawa niya."
Isa pang hindi makalimutan ni Glydel kay Kuya Germs ay ang pagiging patas nito.
Muntik na kasing maalis si Glydel sa "That's Entertainment" dahil nag-away ang kanyang ina at ang manager na si Annabelle Rama.
Patuloy niyang kuwento, "Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mommy ko at si Tita Annabelle. Gusto ni Tita Annabelle na tanggalin na ako sa That's."
"Nagpapasalamat ako kay Kuya Germs kasi hindi niya ako tinanggal at nakinig siya sa side ko. Naintindihan niya na breadwinner ako at gusto kong mag-stay talaga sa That's."
"Kinausap na lang niya si Tita Annabelle at sinabi niya na bigyan naman ako ng chance at hindi fair na tatanggalin ako basta sa show. Parang naintindihan naman na ni Tita Annabelle yun at pinabayaan na lang niya si Kuya Germs mag-decide."
"That time kasi, binitiwan na ako ni Tita Annabelle. Decision naman ni Kuya Germs na magpatuloy ako sa show. Kaya sobra ang pasasalamat ko sa kanya."
"Kung hindi dahil kay Kuya Germs, walang Glydel Mercado na makikilala sa showbiz."
BIGGEST REGRET.
Ang pinagsisisihan ngayon ni Glydel ay kung bakit hindi man lang daw niya naisipang dalawin si Kuya Germs noong nakaraang taon.
"Kaya nga nagigi-guilty ako dahil sa maraming nagawang maganda sa akin ni Kuya Germs, bakit hindi ko nagawang dalawin siya noong okay na siya from his first stroke."
"Hindi ko na matandaan kasi kung kailan talaga kami huling nagkausap. Natatandaan ko na sa badminton tournament ni AiAi delas Alas, nagkausap pa kami ni Kuya Germs."
"Ngayon, parang nagsisisi ako na sana nagawa kong dalawin siya sa bahay noong okay na siya. Sana nagawa kong magpasalamat sa kanya sa lahat ng nagawa niya para sa akin."
"Kaya ngayon, ipinagdarasal ko si Kuya Germs. Kunsaan man siya ngayon, alam kong masaya siya. Siguro nga, panahon na para magpahinga na si Kuya Germs."
"Sa lahat ng naging pagod niya sa pag-discover, pakikipaglaban, at pag-unawa sa mga gusto niyang tulungan para nakapasok sa showbiz, ang kapalit nun ay ang pagmamahal namin para sa kanya."
"Mahal ka namin, Kuya Germs. Maraming-maraming salamat sa lahat." — PEP.ph
More Videos
Most Popular
