Willie Revillame hints at new daily game show after Wowowin's final Sunday episode
Matapos ang siyam na buwan, tuluyan nang nagpaalam sa ere ang Sunday variety/game show ni Willie Revillame na Wowowin.
Sa huling episode ng nasabing programa nitong Linggo, muling binalikan ng TV host na si Willie Revillame ang ilan sa masasayang eksena nila.
Sabi ni Willie, "'Pag nanood ka po ng programang ito, kahit papaano, yun bang nakakatulong para mapangiti kayo, mapasaya namin kayo. Yun po ang importante, e."
"Kami ay maging gamot niyo sa inyong kalungkutan, maging gamot niyo kung kayo po'y nada-down sa buhay. Kasi kung napapanood niyo po ang programang ito, dito niyo po nakikita ang tunay na buhay."
"Walang script, walang direktor na nagsasabing, 'Action! Cut!' Walang ganun dito. Dito po, kung makikita niyo, lalabas ako sa stage, maglalapitan, hahalikan ka, yayakapin ka. Kayo po ang inspirasyon namin, lalong-lalo na ako."
"'Pag maraming nanonood, mas lalo po kaming ginaganahan. At 'pag marami hong nanonood, mas nag-iisip pa po kami kung anong mabibigay namin na saya para sa inyong lahat."
"Sa lahat po ng nagmamahal sa programang Wowowin, salamat po at hindi niyo kami iniwan sa siyam na buwan na nakapiling namin kayo."
Aniya pa, "At sa lahat po ng taong nagtitiwala. Most especially, kayo pong lahat. Kayo po ang mga taong nagsuporta at sumuporta at nagmahal sa programang ito."
"At sa gabi-gabi ho bago ako matulog, ang tanging dasal ko lamang, sana'y araw-araw na tayong magkasama..."
"Araw-araw ko na kayong makapiling, at araw-araw ko na kayong mapasaya at mabigyan ng pag-asa yung mga akala nilang wala nang pag-asa ang buhay."
"Maraming salamat po sa inyong lahat. Hanggang sa muling pagkikita, salamat."
Sa pagtatapos ng programa, ang salitang "Abangan..." ang nasaksihan ng kanilang manonood.
Ayon sa isang source ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), magkakaroon muli si Willie ng daily variety/game show na mapapanood mula 5:00 pm hanggang 6:30 pm. Ngunit hindi pa raw sigurado kung kailan ito magsisimula. —PEP
