ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor to undergo throat operation in July


 


Ibinalita ng Superstar na si Nora Aunor na tuloy na tuloy na ang gagawing operasyon sa kanyang lalamunan sa Hulyo.

Matatandaang naapektuhan ang boses, pati na ang pagkanta niya, dahil sa nabulilyasong cosmetic enhancement niya sa Japan.

Sabi ni Ate Guy, “Tuloy na po iyon dahil aalis na po ako ng July, naka-schedule na po ako. Pagkatapos po ng last movie kong gagawin, siguro magpapahinga muna ako."

“At kapag naayos na 'yung boses ko, na matagal ko nang pinapangarap na maipaopera, iyon naman muna ang haharapin ko, ang pag-awit.”

Ano naman ang fear niya sa gagawing operasyon?

“Wala naman… iyong nangyari nga sa akin noon sa Japan… three days hindi ako nagising tapos binutasan nila ito [lalamunan]. Suspetsa ko, iyon ang ooperahan. Sabi kasi ng doktor sa Boston, walang naapektuhan sa vocal chord. Pero malalim daw yata 'yung tinamaan, may nerve na tinamaan, at iyon ang ooperahan.”

Nasabi ni Ate Guy noon na malaking halaga ang gagastusin sa kanyang operasyon.

“Nag-iipon nga po ako bago umalis,” banggit niya.

Hindi raw siya umaasa ng tulong na pinansiyal kahit kanino.

“Hindi po, nakakahiya naman po.”

Sabi pa niya, “Baka naman makayanan din, kakayanin din maibalik lang iyong boses ko.”

Worthy projects

Nagpapasalamat si Nora dahil sunud-sunod ang mga proyektong ginagawa niya sa pelikula at telebisyon.

Malaking tulong daw ang kikitain niya sa mga ito para sa kanyang gagastusin sa kanyang operasyon.

Aniya, “Kahit papaano sunud-sunod pa rin po 'yung pelikulang gagawin ko, natutuwa naman po ako. Mula nung bumalik ako dito sa Pilipinas galing ng States, kahit papaano may mga kumukuha pa rin sa aking producers para gumawa ako ng pelikula."

“Ipinagpapasalamat ko iyan sa Diyos na magpahanggang ngayon ay hindi ako pinapabayaan.”

At maski nga raw kailangan niya ng pera ay hindi isinasakripisyo ng aktres ang ganda at klase ng proyektong tinatanggap niya.

Pahayag ni Nora, “Ang talagang inisip ko, tatanggapin ko 'yung isang proyekto na io-offer sa akin kung naiiba ito sa mga dati ko nang nagawa. At nagkataon naman na iba-iba itong nagagawa at ginagawa ko ngayon: Thy Womb, Taklub, iba-iba, e, makikita mo."

“Kagaya ng gagawin ko sa Bicol tungkol sa minahan, true story din ang nangyari doon, ito ngang Whistleblower."

“At iyong gagawin nga namin ni Direk Adolf [Alix Jr.], 'yung Nympho, iba namang character iyon at natsa-challenge naman ako doon."

“Yung Kabisera, na sana matapos na kasi maganda rin iyon, true-to-life massacre na nangyari sa Batangas."

“Maganda 'yung mga pelikulang ginagawa ko.” —PEP

For more showbiz stories, visit PEP.

Tags: noraaunor