ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jean Garcia proud lola to her first apo: ‘Noong una nga, hindi ako ready, pero ngayon, ready na!’



Very proud ang aktres na si Jean Garcia sa kanyang kauna-unahang apo sa anak na si Jennica Garcia at sa asawa nitong si Alwyn Uytingco.

“Nakita niyo naman kung gaano ka-cute ang baby,” pagmamalaki ni Jean nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng bago niyang primetime series, ang "Once Again," last week.

Kuwento pa ng 46-year-old actress, “Sabi nga ni Jennica, ‘Mama, ang pinaka-konti kong magiging anak, five.’ Noong una, nag-comment ako, ‘Alam mo, honey, hindi na practical ‘yan. Ang hirap ng buhay, blah, blah, blah. At saka baka hindi niyo matututukan ang mga bata, ganyan. Mahal na rin ang gastos, unfair naman kung hindi niyo kaya, kawawa naman ang mga bata.’"

“E, ka-cute naman ni Mori… parang payag na akong lima, kasi ang ganda ng bata!” natawa niyang sabi.

Sabi pa ni Jean sa pagiging lola, “Noong una nga, hindi ako ready, pero ngayon, reding-ready na!”

Ayon kay Jean, siya raw ang kamukha ng apo niya.

“Well, sabi ng family ko, parents ko at si Mama, yung nagpalaki sa akin, totoo naman. Nag-send sila sa akin ng picture, kamukha ko raw.”

PICTURE PRETTY

Mula nang manganak si Jennica, tila ngayon lang talaga ito nagpu-post ng larawan ng anak sa social media na kitang-kita na ang mukha nito.

Excited na kuwento ni Jean, “Naku, ‘eto na nga, may kuwento ako riyan. Kasi sabi ni Jennica, ‘Ma, ayoko namang sabihin nila na idinadamay ko ang anak ko. So, no posting muna ng picture ni Mori, ha?’"

“So, ako, pinu-post ko, kalahati, nakatingin dito. ’Eto na, e ‘di ba ang ganda-ganda, ang dami kong pictures! One time, sabi ko, ‘eto yung nag-aalaga sa mga anak ko, ‘Naku, Ninang Vera, hindi ko na kaya. ‘Hindi na baleng magalit sa akin si Jennica at si Alwyn.’"

“Sa sobrang ganda ng apo ko, alam mo yung love ng isang lola at pagiging proud ko, kailangan kong ilabas. I’m sorry, sabihin man nila na lola na ako, may apo na ako, pero kailangan ko talagang ilabas."

“I have this beautiful, beautiful angel that I can call my family, di ba? Sabi ko nga, ‘Proud lola here, so post!’"

“Kinabukasan, dumating ang Jennica at Alwyn, ‘Mama, bakit mo pinost?’ Pero naka-smile. Sabi ko, ‘I’m really sorry, anong gagawin ko, e, proud ako? ‘At saka, bakit ba? Ano bang problema, kalimutan niyo na ‘yan.’"

“Sabi ko, ‘I’m really sorry, kahit magalit kayo sa akin, okay lang. Hindi ako magagalit sa ‘yo, hindi ako magtatampo. Pero sorry, na-post ko na, e.’”

Kinabukasan daw, nag-post na rin sina Jennica at Alwyn ng buong larawan ng anak.

COOL GRANDMA

May pagkakaiba ba ang pagiging lola sa pagiging ina?

Ayon kay Jean, “Pareho rin, pero feeling ko, mas cool ako ngayon. Kasi ang pagdi-disiplina, nasa magulang nila."

“Hindi katulad dati, hindi spoiled ang mga anak ko, e. Dinidisplina ko, pero ‘eto, ibinibigay ko ang pagdi-disiplina kasi… rights ng magulang yun.”

Ipinagmamalaki naman ni Jean sina Jennica at Alwyn sa pagiging mga magulang sa kanilang unang anak.

“Bilib ako sa kanila kasi hands-on sila. At umiikot ang kanilang relationship na ang naghe-head, e, ang Panginoon. Tapos hindi mataas ang lifestyle nila, very simple. Wala silang yaya, siya [Jennica] ang naglalaba... totoo ‘yan."

“At saka, hindi lang walang yaya sa bata, ha, walang yaya sa house. Kaya minsan, kapag kailangan nila ng help, nagpapadala ako para mag-general cleaning sa kanila. Pero yung every day na luto, laba, palaging nakakakabit sa kanya.”

Nami-miss din naman daw ni Jennica ang pag-aartista kahit sobrang hands-on ito sa kanyang buhay-pamilya.

“Nami-miss niya, pero for now, priority niya ang pamilya,” saad ni Jean.

Wala bang panghihinayang si Jean bilang nanay sa naudlot na acting career ng anak?

“Wala,” mabilis na sagot ni Jean. “Kasi, puwede namang mabigyan ng pagkakataon. Katulad sa akin, nabigyan ako ng pagkakataon sa 'Pangako Sa ‘Yo.' Second chance ko yun, so si Jennica, may second chances.” — PEP.ph

For more showbiz stories, visit PEP.

Tags: jeangarcia