ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gladys Guevarra says she is more mature in handling relationships


 


Malaki na raw ang pinag-mature ng comedienne na si Gladys Guevarra pagdating sa pag-ibig.

Inamin ni Gladys na noon ay baliw siya sa pag-ibig. Kapag may kinalolokohan daw siyang lalaki ay nakakalimutan niyang maging matino sa kanyang trabaho.

Pero ngayon ay tinuldukan na raw niya ang pagiging loka-loka.

Saad niya, “Hello, 39 years old na tayo! Hindi pa ba tayo magbabago? Marami na tayong pinagdaanan sa buhay. May maganda, may hindi… lahat naman ‘yan naging lesson sa akin."

“Marami na rin akong napanghinayangan na trabaho dahil nga naging abala tayo masyado sa emotions natin."

“Pero ngayon, kaya ko na. In control na ako when it comes to love. In short, matino na tayo at darating din sa buhay natin ang tamang pag-ibig.”

Non-showbiz boyfriend

Kasama ni Gladys sa dinaluhang presscon kamakailan lamang ang kanyang non-showbiz boyfriend, pero nakiusap siyang huwag na itong tanungin dahil pribadong tao raw ito.

“Huwag na natin siyang guluhin. Sumama lang siya kasi gusto niyang makita kung paano ako magtrabaho. He’s a very private person at baka magulo lang siya kapag tinatanong-tanong siya. Salamat sa pag-uunawa. Ako na lang guluhin ninyo!” natatawang pakiusap niya.

Seven months pa lang ang relasyon ni Gladys sa kanyang kasalukuyang boyfriend, pero mabilis daw silang nagkasundo dahil pareho silang business-minded.

Saad pa niya, “He’s younger sa akin ng four years. Laki siya sa Amerika. Noong una ko siyang nakilala, hindi niya alam na celebrity ako dito sa Pilipinas.Nalaman lang niya noong makapanood siya ng show ko. Doon lang niya nalaman na ito ang trabaho ko."

“May business na kaming dalawa and it’s doing good. May iba pa kaming gustong pasukin na negosyo.”

Dagdag ni Gladys, “Ito ang masasabi kong relasyon na marami akong natututunan. Unlike in the past, puro kilig-kilig lang. Ngayon, serious na ito. Parang nag-iba ang outlook ko sa buhay. Hopefully, magtagal kami kasi iba ito, e.”

Focused on career

Dahil sa mga pagbabago kay Gladys, mas naging focused na raw siya sa kanyang trabaho.

Pahayag niya, “Parang nagsisimula ulit ako sa career ko. Thankful ako ng sobra kay Mamu [Andrew de Real] dahil isinama niya ako sa Sunday PinaSaya bilang si Chuchay. Bago yun, naging suki na ako ng Celebrity Bluff at iba pang shows ng GMA-7.”

Aware daw siyang maraming mga pumapasok na mas batang komedyante ngayon, kaya kailangang sumabay siya sa energy ng mga ito.

“Kaya inaalam ko rin ang mga bagong styles ng comedy. Yung mga ginagawa ko noon, puwede pa naman. Medyo ini-improve mo na lang kasi iba na rin ang crowd, e. Tumanda na yung mga dating nanonood sa amin."

“Kaya mga bata na ang kaharap mo ngayon. Kailangan mag-adjust ka sa kung ano ang gusto nila ngayon.”

Wala nga raw manager ngayon si Gladys at siya ang diretsong kinakausap ng mga gustong kumuha sa kanya para raw wala nang sumama ng loob sa kanya kapag nagluka-lukahan na naman siya.

“It’s better na ako na lang muna. Mahirap ang masermunan, e. Sa edad kong ito, ayoko nang may nanenermon pa sa akin. Nakakahiya na. At least, kung magkamali man ako, wala akong sisisihin kundi sarili ko."

“Sa ngayon, okay naman lahat. Sunud-sunod naman ang mga trabaho. Kaya I feel blessed. Tapos may inspiration pa ako kaya thank you Lord!”.

For more showbiz stories, visit PEP