PEP: Father of Cueshe vocalist Jay Justiniani victim of hit-and-run
Nakatanggap ng text message ang PEP (Philippine Entertainment Portal) nitong Sabado mula sa manager ng bandang Cueshe na si Myke Sarthou. Ayon sa kanyang text message ay tinawagan daw siya ng umiiyak na si Jay Justiniani, isa sa bokalista ng banda. Ibinalita ni Jay na naaksidente ang ama niya na si Jovenal nitong Sabado ng madaling-araw sa Mactan, Lapu-Lapu City. Hit-and-run daw ang nangyari sa ama ni Jay, na naka-motor nang mabunggo siya. Binunggo ang likuran ng motor ni Mr Justiniani ng isang sasakyan na ikinasanhi ng pagtilapon niya at pagkawasak ng likod ng motor. Hinala ng mga nakasaksi ng pangyayari ay baka lasing ang driver ng nakabanggang sasakyan. Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabunggo sa ama ni Jay ay nagkaroon ang biktima ng internal hemorrhage o pagdurugo sa ulo. Dinala si Mr. Justiniani sa Mactan Community Hospital. Nitong 6 p.m. ay lilipad patungong Cebu si Jay para alamin ang kalagayan ng ama. Nakatakda rin niyang patingnan sa isang neurologist ang ama para matiyak kung ano ang epekto ng aksidente nito.Philippine Entertainment Portal