ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ryan Cayabyab killed by death hoax; Mr. C says, ‘Hindi pa ako mamamatay... not yet!’


 


Ikinagulat man ni Ryan Cayabyab at ng pamilya niya ang kumalat na post kamakailan sa social media, partikular sa Facebook, na diumano’y patay na siya, hindi naman daw ito lubos na nakaapekto sa sikat na composer na nakilala sa industriya bilang si Maestro Ryan o Mr. C.

Sabi niya, “Actually, wala akong reaksiyon.

“Siguro nagulat lang kami, pati 'yung misis ko nagtatawanan kami.

“It didn’t bother me at all kasi buhay ako, e.”

Kaagad din naman daw nilang naitama ang maling balita.

“Ang dami ngang nagko-condolence sa family ko.

“Buti na lang 'yung anak ko nakita agad iyon.

“Siya 'yung nagsabi [sa FB] na hindi siya totoo.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Ryan, na buhay na buhay at masiglang-masigla, sa launching ng bagong album ng grupong mine-mentor niya, ang Ryan Cayabyab Singers o RCS.

Ginanap ang launching sa Dong Juan restaurant sa Mother Ignacia Avenue, Quezon City, noong September 8.

Napanood pa ng mga press si Mr. C na tumugtog at naki-jam sa RCS.

Not in a dying condition

Nagalit ba si Mr. C sa taong nagpakalat ng maling balita ito?

Tugon niya, “Hindi. Wala akong kagalit-galit.

“Ang feeling ko lang, ‘Kawawa naman itong batang ito, walang magawa.’

“Wala akong naramdaman na negative, nothing.

“'Yung mga friends ko ang parang, ‘Ano ba iyan? Ano ba ito?’ So, they question.

“Sa loob-loob ko, e, nangyayari talaga sa FB iyan, e.

“Si Queen Elizabeth pinapatay. Si Sylvester Stallone pinapatay. Lahat sila pinapatay, e.”

For the record, may kailangan bang ipag-alala ang supporters at mga kaibigan niya kaugnay ng kanyang health condition?

“Wala, nagkasakit lang ako noong Sunday kasi sobrang init, nasa loob kami ng Abelardo Hall. Pero okay na ako.

“May high blood ako, mayroon akong maintenance, e, pati sugar may maintenance ako.

“Pero hindi pa ako [mamamatay]… not yet!” sabay tawa na lang niya.

Somebody's messing with Ryan's social media accounts

Sa tingin ni Ryan, nagsimula ang lahat ng negatibong bagay tungkol sa kanya sa social media nang may gumamit ng kanyang pangalan at nakawin ang pictures niya sa Facebook.

Kuwento ni Mr. C, “Mga three weeks ago, mayroong gumamit ng Ryan Cayabyab na name ko pati 'yung pictures ko.

“And then nag-start siyang mag-post ng maraming political posts, at maraming nagagalit.

“Na-alarm 'yung mga kaibigan ko, ‘Mr. C, mayroong gumagamit ng pangalan mo, at saka picture mo. Baka kailangan you investigate this kasi maraming taong nagagalit sa iyo.’

“Sa akin daw, kasi akala nila ako iyon. E, nakasulat doon sa post, ‘I am a Ryan Cayabyab fan, blah-blah-blah.’

“Pero siyempre 'yung mga tao, hindi na naman titingnan iyon.

“So, iyong mga kaibigan ko na close, ini-report.

“In short, pinasara 'yung site [account] niya, nasara naman.”

Pero hindi pa raw doon natapos iyon.

Pagpapatuloy niya, “A week later, mayroon lumabas na clone ng myranetorsa, which is my personal Facebook account.

“Sabi ko, iyon pa naman, e, hindi siya public, e, 'yung Facebook account ko.

“So, the point na nakuha 'yung name na iyon at saka 'yung pictures ko, at lahat ng aking friends pinadalhan ng friend requests.

“Kaya noong nagre-rehearse kami doon sa show ni Ogie [Alcasid], biglang ang daming nagte-text sa akin, ‘Mr. C, nagpadala ka ba ng bagong friend request?’

“‘Hindi, wala akong bagong account.’

“‘May nag-clone ng account mo.’ Akala nila na-hack.

“So, pinalitan ko agad 'yung password ko, ibig sabihin hindi ako na-hack, na-clone lang siya.

“In one hour, napasarado nila 'yung site.”

Pagkatapos nga nito ay sumunod nang kumalat ang post na diumano’y namatay na si Mr. C.

“Two days later, ‘Ryan Cayabyab dies.’ Kumalat na nga sa FB, at marami ang nag-share.”

Medyo napanatag ang loob ni Mr. C nang makausap niya ang isang information technology expert.

“'Yung kaibigan ko na isang I.T. analyst, tinitingnan niya 'yung mga dates, sabi niya, ‘You don’t have to worry about it, Mr. C, amateur ito. Kasi kung professional na marunong gumawa ng ganyan, hindi ka makakapasok sa account mo, nakuha na lahat ng ano mo… pati identity mo makukuha na niya.’

“The fact na iyon nga ang nangyari in succession, feeling niya isang tao lang.”

May balak ba siyang gumawa ng legal move at alamin kung sino ang taong ito?

Tugon niya, “Hindi ko pa alam.

“Sa ngayon kasi tumigil na naman siya. Tingnan natin kung may gagawin pa siya.

“Siguro only then at saka ako mag-iisip.”

Continuously helping OPM and new singers

Malakas pa nga si Mr. C at aktibong-aktibo sa pagtulong sa pagpapalaganap ng Original Pilipino Music.

Tuluy-tuloy rin siya sa pagtulong sa bagong artists katulad ng inaalagaan niyang Ryan Cayabyab Singers, na binubuo nina Poppert Bernadas, Kaye Tiuseco, Erwin Lacsa, Celine Fabie, VJ Caber, Sheerlen dela Cruz, at Anthony Castillo.

Ano ang nagtutulak sa kanya na ituloy ang magandang layunin at gawain niyang ito?

Ayon kay Mr. C, “Lagi kong sinasabi, like sa PhilPop, na kailangan ma-replenish kami, hindi kami [beteranong singers at composers] bumabata.

“And ganun din lahat iyan mag-isip, sina Gloc-9…

“E, kasi one of these days, hindi na sikat ang mga kanta namin, ganyan.

“Kailangan 'yung mga bata mabigyan namin ng ideas kung ano 'yung ginagawa namin at 'yung mga experience namin mai-share namin sa kanila.

“Kumbaga, sila 'yung next in line, e.”

Proud mentor nga si Mr. C sa RCS.

“Alam niyo enjoy, e. Nakita niyo naman sila kung paano sila kumanta, they love it.

“Kasi ako din, when I’m with them, ‘May bago akong areglo, ha,’ ganito, ganyan.

“Excited sila lagi to learn new materials. At saka ang gagaling nila.”

Sa Panaginip Lang ang titulo ng pangatlong full-length album ng RCS.

Nakapaloob dito ang title track na “Sa Panaginip Lang” at mga kantang “Same Sad Song,” “Di Kayang Aminin,” “Friends For So Long,” “Hihintayin Kita,” “If I Could,” “Ikaw Lang,” “Nasaan Na,” “Summer,” “I Don’t Know Why,” “Leave Me Forever,” at “Masasaktan Lang Ako.”

Ang physical CD at digital version ng album ay distributed ng Curve Entertainment Inc. —PEP

For more showbiz stories, visit PEP.

Tags: ryancayabyab