ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Jessica Sanchez, kinanta ang 'Bohemian Rhapsody' para sa 'American Idol' Top 6
Incredible. Ito ang kumentong ibinigay ni "American Idol" judge Randy Jackson sa pinakahuling performance ng Filipino-Mexican na si Jessica Sanchez. Siya ay kabilang sa Top 6 sa naturang singing kompetisyon.
Ayon sa report ng news website na Examiner nitong Huwebes (Miyerkules sa US), Sanchez "set out to win Queen week" on American Idol.
"Bohemian Rhapsody" ang kinanta ni Jessica para sa Queen week. "Her weapon of choice was the British band's anthem called 'Bohemian Rhapsody,'" ayon sa Examiner.
Ayon sa judge na si Steven Tyler, bagamat hindi rock ang forte o nakasanayang genre ni Jessica, “Freddie Mercury would have been proud” sa kanyang bersyon ng 1975 na kanta.
Ayon naman sa mang-aawit na si Jennifer Lopez, ang naging performance ni Jessica ay mahusay sa pangkalahatan.
Ginamit ng tatlong judges ang nag-iisa nilang save para sa buong season kay Jessica Sanchez noong muntikan nang matanggal ang mang-aawit sa palabas pagkatapos makakuha ng pinakamababang boto mula sa mga audience.
Inilunsad ang save sa palabas na American Idol noong 2009 at apat na beses lamang itong ginamit sa palabas. Una itong ginamit kay Matt Giraud (Season 8, Top 7), kay Michael Lynche (Season 9, Top 9), kay Casey Abrams (Season 10, Top 11), at kay Jessica Sanchez (Season 11, Top 7). Si Jessica ang pinaka-unang babaeng nakakuha ng save mula sa mga judge sa palabas.
Supporta mula sa mga kababayan
Si Jessica, 16, ipinanganak sa Estados Unidos (USA), ay anak ni Editha Bugay Sanchez, isang Filipina na ikinasal sa isang Mexican.
Mula sa Bataan si Editha, at ang mga tao mula sa kanyang probinsiya ay umaasang magtatagumpay ang mang-aawit sa "American Idol."
Sa Bataan nakatira ang magulang nga kanyang ina, sina retired US Navy man Eddie at si Virgie Bugay mula sa Samal at Orani Town.
Noong nakaraang Lunes, sa ang isang programang ginanap sa ipinagdiwang na “Araw ng Balanga,” ang mga tagapagkilala na sina Melody Ortiguerra at Jonel Llanes ay naghayag ng suporta kay Sanchez.
Ayon pa kay Llanes: “Palakpakan para kay Jessica Sanchez! Kung kayo ay may kamag-anak sa Amerika, sabihan sila na suportahan ang one of the best singers in America.”
Dagdag pa ni Ortiguerra: “Magaling talaga, congratulations Miss Jessica Sanchez! We are proud of her na kababayan natin sa Bataan.”
Ikalawang pinakamahusay na tagumpay sa ngayon
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga contestant na may dugong Filipino, ikalawa sa may pinakamahusay na tagumpay si Jessica Sanchez.
Ang Filipino-American na si Jasmin Trias ay pangtatlo sa ikatlong season ng "American Idol."
Bago kay Sanchez, si Thia Megia na may dugong Filipino rin ay nakabilang sa Top 11 noong nakaraang taon sa Season 10 ng palabas.
Bago naman kay Megia, si Ramiele Malubay naman na kabilang sa Top 9 noong ika-7 na season ng "American Idol." — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular