Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Queen of rock 'n' roll' Tina Turner, pumanaw na sa edad 83


Pumanaw na ang tinaguriang “Queen of Rock ‘n’ Roll” na si Tina Turner sa edad na 83.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabi ng representative ni Turner na pumanaw ang Swiss singer sa kaniyang bahay sa Switzerland.

Nagsimula ang karera ni Turner noong 1950s kasama ng pag-usbong ng rock ‘n’ roll.

Bukod sa talento niya sa pagkanta, tumatak din ang iconic image at fashion style ni Turner.

Dalawampu’t limang beses siyang nominado sa prestihiyosong Grammy Awards, at nanalo ng walong Grammys para sa mga pinasikat niyang kanta at album gaya ng “Proud Mary,” “Typical Male,” at “What’s Love Got To Do With It.”

Taong 1988 nang dumugin ng 180,000 tao ang kaniyang concert, isa sa mga concert na may pinakamaraming nanood sa kasaysayan.

Gayunman, dumaan din sa ilang malulungkot na yugto ang buhay ni Turner bilang isang music icon.

Naging biktima si Turner ng domestic abuse, kung saan sinabi niya sa mga nakaraang panayam na ilang beses siyang naospital dahil sa pananakit ng dating asawa na si Ike Turner.

Ilang taon matapos ang diborsyo, nagpatuloy ang pag-angat ng career ni Turner.

Ang album niyang “Private Dancer” ay tumabo ng 200 million record sales.

Noong 2009, kasunod ng kaniyang successful world tour, nagretiro na si Turner, nanirahan sa Switzerland at naging naturalized Swiss citizen noong 2013.

Nakipaglaban si Turner sa iba’t ibang problema sa kalusugan hanggang sa tuluyan na siyang pumanaw nitong Mayo 24, 2023.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News