ADVERTISEMENT
Filtered By: Sports
Sports

Mommy Dionisia, masaya sa ‘retirement fight’ ni Manny


Masayang-masaya umano ang ina ni pambansang kamao Manny Pacquiao na si Mommy Dionisia sa retirement fight ng kanyang anak at kampante sa ikatlong pagsasagupa nina Timothy Bradley Jr.

Sa ulat ng Unang Balita mula sa eksklusibong panayam ni Mav Gonzales kay Mommy D, sinabi ng tinaguriang "Pacmom" na masaya siya sa laban na ito ng kanyang anak at hindi siya kinakabahan.

"Syempre masayang-masaya ako ... sinabi ko sa kanya 'Anak galingan mo, susuporta ako sa 'yo', " ayon kay Mommy D.

Matatandaang naging viral ang video ni Mommy D na tila kakaiba ang pagdarsal nito habang nanunuod sa pangalawang pagtutuos nina Pacquiao at Bradley.

Para umanong kinukulam ng Pacmom ang Amerikanong boksingero. Pero ayon kay Mommy D, nakaturo umano siya sa anak niya habang ipinagdasal niya ito. Binigyan lamang umano ng ibang pag-intindi ang pagdarasal niya noon.

 

File photo ni Mommy D noong  Pacquiao-Bradley II.

Ayon din kay Mommy D, hiniling niya sa Panginoon na ibalato na para sa kanyang kaarawan ang huling laban ng kanyang anak.

"Hinihiling ko... Lord, itong laban ng anak ko, ibigay mo sa aking birthday," pahayag ni Pacmom. — LBG, GMA News