ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sen. Escudero, inaming nobya na niya ang Kapuso actress na si Heart Evangelista


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang buwan matapos mapabalita na madalas silang makitang lumalabas, inamin na ni Senador Francis Escudero ang tunay na relasyon nila ng Kapuso actress na si Heart Evangelista. Sa ulat ni Nerisa Almo na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Biyernes, sinabing ginawa ni Escudero ang pag-amin nang magpaalam na ito sa programa ni Kris Aquino sa ABS-CBN na Kris TV. Ilang buwan ding naging co-host ng show ang senador at kinailangan na nitong nagpaalam sa programa matapos na ihain sa Commission on Elections (Comelec) ang kanyang certificate of candidacy. Muling tatakbong senador para sa kanyang ikalawang termino si Escudero. Kandidato siya ng United Nationalists Coalition (UNA) at koalisyon ng administrasyon na pinangungunahan ng Liberal Party (LP). Sa pag-usisa ni Kris sa tunay na estado ng relasyon nila ni Heart, nung una ay tila atubili pa si Escudero na aminin na sila na nga at idinadahilan na “meeting" at hindi “dating" ang paglabas nila. (Basahin: Heart Evangelista, inaming 'dating' na sila ni Sen. Chiz Escudero) Pero sa huli, napilitan na rin ang 42-anyos na mambabatas na aminin na nobya na niya ang 27-anyos na Kapuso star. (Basahin: Heart Evangelista, may papel kaya sa kampanya ni Sen. Chiz?) "Is Heart Evangelista your girlfriend?," tanong ni Kris. "I would like to think so, yes," ang pag-amin naman ng senador. Ngayong taon ay naisapubliko ang pakikipaghiwalay ni Escudero sa kanyang asawa na si Christine Elizabeth kung saan mayroon silang kambal na anak. Samantala, ngayong taon din natapos ang relasyon ni Heart sa Brazilian model-actor na Daniel Matsunaga. - FRJimenez, GMA News