Heart Evangelista, wala raw balak tumakbong mayor ng Sorsogon City
Napapabalitang maaari raw pasukin ng Kapuso actress at leading lady na si Heart Evangelista ang politika dahil bukod nga sa nakapangasawa ito ng isang senador sa katauhan ni Sen. Chiz Escudero, hayagan rin nitong binabanggit sa kanyang social media accounts ang pagmamahal niya sa Sorsogon City, ang hometown ng kanyang mister.
Sa ulat ng 24 Oras nitong Sabado, pinabulaanan ng aktres ang mga balitang mayroon daw siyang balak tumakbong mayor ng naturang lungsod, at hindi rin siya nagpa-planong tumakbo sa anomang posisyon sa gobyerno.
“Hindi lahat ng bagay may kulay. I will definitely not be running,” aniya.
Ayon naman kay Chiz, “Usapan naman talaga namin na hindi siya papasok sa politika at hindi ako papasok sa showbiz.”
Masaya ngayon ang dalawa sa buhay may-asawa matapos ang kanilang kasal noong Pebrero, pati na ang naging pagbabati sa pagitan nila at ng mga magulang ni Heart nito lamang nakaraang buwan.
Christian Bautista, Vandolph
Samantala, naging usap-usapan rin ang pagpapatayo ng singer at performer na si Christian Bautista ng isang non-government organization sa Cavite City na ipinagpakahulugan ng iba bilang pagpapahiwatig niya ng pagnanais tumakbo sa darating na eleksyon.
Paliwanag ni Christian, wala pa siyang planong pasukin ang politika, ngunit sa pagkakatoang mapagdesisyunan niyang tumakbo, nais niya raw magsimula sa mababang posisyon gaya ng sa barangay.
“Ayokong papasok ako sa politika dahil artista o sikat. Hindi pwede,” ayon sa singer.
Kaiba naman sa lahat, kinumpirma ni Alma Moreno ang gagawing pagtakbo ng kanyang anak na si Vandolph Quizon bilang konsehal ng Parañaque City.
Huling termino na ng batikang aktres bilang councilor ng lungsod, at nais niya raw na ang anak niya ang magpatuloy ng kanyang mga nasimulan.
Aniya, “Siya ang magpapatuloy. 'Yung mga hindi ko nagawa, siya na ang gagawa.” — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News