ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘MAC’ robocop ng Makati


MANILA – May bagong myembro ang Makati City police. Ngunit hindi siya tao kundi isang robot na kayang humanap ng bomba at pigilan ang pagsabog nito. Ipinakilala kamakailan ng Makati City police si ‘MAC’ o Mechanical Anti-Terrorist Concept na magiging kasangga ng explosives and ordinance division ng lungsod para iligtas ang publiko sa kapahamakan na maaaring idulot ng bomba. Ayon kay Makati City police chief Senior Superintendent Gilbert Cruz, kaya ni ‘MAC’ na maghanap ng anumang uri ng bomba, pigilin ang pagsabog nito, kunin at itapon. Malaki umano ang maitutulong ni MAC para maiwasan ang pagbubuwis ng buhay ng mga pulis na mano-manong nagde-diffuse ng mga bomba. "In cases of chemical explosion, kailangan ‘pag pumasok yung rescue workers sa chemical explosion, kailangan i-check muna yung air content kung may lason pa, so dapat hindi tayo yung pumapasok diyan," paliwanag ni Cruz. Ang kagandahan pa nito, ang piyesang ginagamit sa paglikha kay MAC ay pawang gawa sa Pilipinas kaya madali itong “magagamot" sakaling mapinsala sa pagtugon sa kanyang tungkulin. Si MAC ay pinagtululungan buuin ng mga pulis at robotics team ng Institute of Technology. – GMANews.TV