ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nakakulong puwedeng bumoto


MANILA – Puwedeng makaboto sa darating na May 2010 elections ang mga bilanggo na hindi pa nagagawaran ng pinal na hatol ng korte, ayon sa isang opisyal ng Commission on Elections. Ayon kay Commissioner Rene Sarmiento, inaprubahan na ng Comelec ang mekanismo na gagamitin para makapagparehistro at makaboto ang mga preso na dinidinig pa ang kaso sa pamamagitan ng "satellite registration and escorted voting." “This would be the first time in Philippine election history that these detainees [who have not been given] final sentence will be empowered to register and vote," paliwanag ni sarmiento, chairman ng Comelec committee on detainee registration and voting. Layunin umano ng programa na ibalik ang karapatan at kapangyarihan ng mga preso na pumili ng nais nilang maging lider. “This will give them leverage to public officials as they will have the power to vote… government officials will now be listening to them," ayon sa opisyal. Sa ilalim ng sistema, magsasagawa ng satellite registration sa mga piitan na mayroong nakakulong na hindi bababa sa 200 detainees at patuloy na dinidinig sa korte ang kanilang mga kaso. Hihingin umano ng Comelec ang tulong ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagtukoy ng mga bilangguan na masasaklaw ng programa. “Kasi ’pag below 200 naman ang registrants, parang sayang naman yung pagdala ng registration dun," paliwanag niya. Bukod dito, dapat ang bilanggo ay residente rin sa lugar kung saan nakatayo ang piitan para pahintulutan siyang makapagparehistro. Sa araw ng halalan, kailangang makakuha ng permiso sa korte ang preso para makapunta siya sa lugar kung saan siya boboto. “Hindi pwede ang satellite voting since the law prohibits yung paglabas ng balota sa presinto so escorted voting na siya (pagpunta sa voting precincts)," sambit ni Sarmiento. Hihilingin pa lang umano ng Comelec sa Kongreso na magpasa ng batas upang pahintulutan ang pagboto sa mismong piitan para sa mga kuwalipikadong preso na makaboto. – GMANews.TV
Tags: Bagosapinas