ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'CR' sa kalye para sa mga babae


Kung may “pink urinal" o ihian ang mga lalaki sa bangketa, ngayon naman ay ihian ng mga babae ang pinaplanong gawin ng bagong pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Ayon kay MMDA general manager Roberto Nacianceno, paisa-isa munang itatayo ang mga ihian para sa kababaihan na tinatayang magkakahalaga ng P30,000 hanggang P35,000 bawat isa. “Binibiro namin na February 14, Valentine’s, baka magandang matapos by then. Parang ito ang gift namin sa mga kababaihan," pahayag ni Nacianceno nang makapanayam ng GMANews.TV. “Hindi mass-produced iyan. Ang gagawa mismo mga tao naming (sa MMDA), aming karpintero. Tingin ko magagawa – tatlo, apat, tapos makikita," idinagdag niya.

HALIMUYAK NI ADAN - Napatakip ng ilong ang babae nang dumaan sa 'pink urinal' o ihian ng mga lalaki sa Edsa sa Quezon City. Joe Galvez
Sa hiwalay na panayam ng GMA News, tiniyak ni Nacianceno na protektado ang mga gagamit ng itatayong female urinal. Bagaman wala pang pinal na disenyo, magkakaroon ito ng ilaw, tubig at may itatalagang taga-linis. “It is not really a urinal, it will be a comfort room. Merong water sa looban ng urinal," paglilinaw niya. Taliwas ito sa mga itinayong ihian para sa mga lalaki na nilagyan lang ng tubo patungo sa ilalim ng lupa, at embudo na lusutan ng ihi. Dahil walang tubig at tagalinis, umaalingasaw ang mapangheng amoy mula sa mga ihian na inilagay sa mga bangketa. Sinabi ni Nacianceno na ilalagay ang mga ihian ng babae sa mga piling lugar na daanan ng mga tao. “Iniisip-isip namin sa ilalim ng flyovers, kunwari sa Quezon avenue, may covered area dun, sa Kamuning, sa Ortigas … Maliban sa nakasilong, ang design lalagyan din ng bubong," anang opisyal. Tiniyak din niya na hindi mabobosohan ang mga gagamit ng ihian. Pinag-iisipan din kung papaano malalagyan ng lock ang ihian para sa proteksiyon ng mga gagamit. “Ang nagde-design n’yan is a woman engineer, Lorena Estrella. We assigned a woman engineer to do the design for the women’s urinal so that yung security at privacy ng women who will use it mailalagay sa design," pahayag niya. “Fiberglass is one of the considerations, kasi kung gagamit ng tubig at enclosed area dapat matibay-tibay. Kung gagamit ng metal baka naman nakawin," idinagdag ni Nacianceno. - GMANews.TV
Tags: bagosapinas