Arnis idineklarang national martial art, sport
Sa layuning lalo pang mapasikat at maitaguyod ang tradisyunal na martial art ng mga Pinoy na arnis, idineklara ito ng Malacanang bilang pambansang martial art at sport sa Pilipinas. Ang pagdeklara sa arnis bilang national martial art at isport ay nakapaloob sa Republic Act 9850, na pinirmahan ni Pangulong Gloria Arroyo noong Disyembre 11, 2009. âRA 9850 is expected to help propagate arnis as a modern martial art/sport that can compete with its popular foreign-originated brethrens like taekwondo, karate and judo," ayon sa Malacanang. Sa ilalim ng batas, isasama ang arnis bilang mandatory course o subject sa mga paaralan. Bago nito, ang arnis ay nagsisilbi lamang elective physical education subject sa ilang paaralan. Bukod pa rito, isasama na rin bilang regular event sa taunang Palarong Pambansa ang arnis. Ang Department of Education, National Commission for Culture and the Arts, at Philippine Sports Commission (PSC), ang inatasan sa ilalim ng batas para bumuo at ipatupad ang rules and regulations ng RA 9850. Ang RA 9850 ay mula sa pinag-isang panukalang batas na inihain nina South Cotabato Rep. Arthur Pingoy Jr., at Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri, na isa ring arnisador. - GMANews.TV