ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mag-tour sakay ng air-conditioned jeepney


Maaari nang mamasyal sa ilang piling lugar sa Luzon, partikular sa Metro Manila sakay ng tinaguriang “King of the Road" – ang jeepney. Kung init at alikabok naman ang iniisip, hindi problema dahil ang mga jeepney na pang turista ay pinasadya. Bukod sa may aircon ito, nilagyan din ng videoke ang sasakyan, may tour guide at inaayos ang mga upuan para makapag-relax ang mga sasakay. Ayon sa namamahala sa “Jeepney Tour," pinili nila ang konsepto ng jeepney dahil malaking bahagi ng kultura ng mga Pinoy ang nabanggit na sasakyan. Makadadagdag kasiyahan umano sa mga turista kung maihahatid sila sa mga makasaysayang lugar sa bansa sa pamamagitan ng sasakyan na tanging sa Pilipinas lang matatagpuan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang jeepney ang magsisilbing pangtapat ng Pilipinas sa double-deck bus na ginagamit na sasakyan ng mga turista sa ibang bansa katulad sa London, New York at India. Sa halagang P2,500 bawat isa, maaaring mag-jeepney tour sa ilalim ng Intramuros package. Mula sa tinutuluyang hotel, ang turista ay susunduin ng jeepney para libutin ang Intramuros sa Maynila, SM Mall of Asia, CCP Complex, Harbour Square at Rizal Park. Pupuntahan din ang Light and Sound Museum, San Agustin Church at Museum, Fort Santiago, ang tindahan ng mga souvenir at local products sa Mananzan Handicrafts, tanghalian sa Barbara’s Restaurant, at ihahatid pabalik sa hotel. Sa mas mataas na halaga, mayroon ding package tour para sa Sunset Dinner Cruise; Pampanga Culinary Tour; Tagaytay Wellness Tour at Quezon Culinary Tour. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: bagosapinas