ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga pamahiin ng Pinoy sa New Year


Bagong Taon, bagong buhay na inaasahang may bitbit na bagong pag-asa. Kaya naman isang araw bago magpalit ang taon, abala ang maraming kapusong Filipino sa paggawa ng mga nakagawian ng ating mga nakatatanda na pinaniniwalaang magdudulot ng suwerte sa pagpasok ng bagong taon. Narito ang ilang pamahain ng mga pamilyang Pinoy. - Pagkumpleto ng 12 prutas (o iba't ibang uri ng prutas na bilog) na inihahanda sa mesa. Tulad ng melon, pakwan, mansanas, ubas, ponkan, chiko, pinya, kaymito o star apple, bayabas, buko, chesa, suha at dalandan. - Mayroon ding nagsasabit ng 12 o 13 piraso ng ubas sa pinto at bintana. - Nagsasaboy ng asin sa mga sulok ng bahay para itaboy ang mga malas. - Paglalagay ng barya sa kanilang bulsa na kakalampagin pagsapit ng pagpapalit ng taon. - Paghahagis ng barya sa mga sulok ng bahay, kasama na ang ilalim ng kama, hagdanan, at kusina. Sabi ng mga nakatatanda, mas masuwerte kung hindi gagalawin ang mga barya sa kanilang lugar. - Pagsusuot ng kulay pulang damit. Sinasabing mas buwenas kung mayroong bilog-bilog sa kasuotan. - Pinupuno ang mga lalagyan ng tubig, asin at bigas. - Naglalagay ng mga pagkain na malagkit sa hapag-kainan tulad ng suman at biko dahil magagawa raw nito na pagtibayin ang pagsasamahan ng pamilya. - Nagpapagupit ng buhok at nagpapalinis ng kanilang kuko. - Pagtalon kapag nagpapalit na ang taon para tumangkad. - Pagbukas ng mga pintuan, mga bintana at ilaw sa lahat ng kuwarto ng bahay para maging maliwanag ang buhay ng pamilya sa susunod na taon at pagpasok ng suwerte. Bagaman iginagalang naman ng Simbahan ang mga nakagawiang pamahiin, payo pa rin nila na huwag kalimutan na magdasal sa ating Lumikha at samahan ito ng sipag at tiyaga para makamit ang tagumpay sa buhay.-GMANews.TV