Motorized ‘padyak’ bagong pinagkakakitaan
Pinagsamang motorsiklo at bisikleta, iyan ang de-motor na padyak na pinagkakakitaan ngayon ng marami nating kababayan. Sa Metro Manila partikular sa Divisoria at Quiapo madalas makita ang mga de-motor na padyak na ginagamit na pamamasada at panghakot ng produkto. Nagsimula ang de-motor na padyak sa mano-manong pedicab (bisekleta na may sidecar). Ang maghapong pamamasada nito ay tiyak na magreresulta sa masakit na likod at binti lalo na kung mabigat ang pasahero. Dito naisipan ng ilang maparaan pinoy gaya ni Mang Ricky Veto na pag-aralan kung puwedeng kabitan ng âmotorâ ang mga pedicab. At hindi naman siya nabigo. Sa pamamagitan ng kaunting adjustment sa bisekleta upang mailagay ang motor na kinuha sa bangka, ayos na ang motorized padyat. Ayon kay Mang Ricky marami ang nagpapagawa sa kanya ng motorized padyak dahil mas malaki raw ang kita rito kaysa mano-manong padyak. Dahil mas mabilis na ang biyahe, mas marami rin naisasakay ang de-motor na padyak. Bukod pa rito, hindi pa sasakit ang katawan ng namamasada kaya naman mayroon pa siyang reserbang enerhiya para sa pamilya. Kailangan nga lamang tiyakin na medyo malayo sa drayber ng padyak ang ikakabit na motor. Mainit kasi ang singaw ng motor kaya maaari itong magdulot ng sakit kung nakapuwesto ito sa likod o ilalim ng bahagi ng nagmamaneho.-GMANews.tv