ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Porn anime, mabenta sa bangketa


May bagong pinagkakaguluhan ngayon sa mga bangketa dito sa Pinas: x-rated cartoons/anime. Ang mga karakter na pambata, ginawang mga alipin ng laman. Sinilip 'yan ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa episode nito noong nakaraang Linggo. Nakalap nila na karamihan sa mga video compact disc (VCD) at digital video disc (DVD) na ito ay inangkat pa mula sa Japan at Korea. Pero ang ilan sa mga malalaswang palabas na ito, dito pala sa Pilipinas ginawa. Si “Andro" dalawang dekada nang animator. Taong 2005 daw siya unang nabigyan ng proyekto na porn anime. At mismong ang mga kasamahan niya sa kanilang production house ang mga tumayong scriptwriter at illustrator. Ang bayad daw sa kanila, kada segundo ng matatapos nilang animation. Samantala, si “Andrea" naman ay kasalukuyang producer at dubber din ng mga Koreanovela. Nang nakaraang taon, kinuha rin sila ng mga Hapon para mag-dub ng isang triple x na cartoon. Kumpara sa mga sinusubaybayan nating Koreanovela, mas madali raw mag-dub ng mga pornographic cartoons. Karamihan daw kasi ng mga dayalogo, puro lang mga halinghing at ungol. Dito kitang-kita na tinatarget talaga ng mga dayuhan ang husay at galing ng mga Pilipino, na maski pagdating sa mga kahayupan, nagagamit ang talento ng iba nating kababayan para kumita ng limpak-limpak na salapi. - GMANews.TV

Tags: pornanime