ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinoy sari-sari store, sikat sa Roma


Sa edad na walong taon ay katulong na si Norma Macalindong ng kanyang ina sa pagtitinda ng isda sa palengke sa Calatagan, Batangas. Nang magkaroon ng sariling pamilya, na-ingganyo si Norma ng mga kamag-anak na mangibang bansa. Nagpunta si Norma sa Italy bilang isang katulong noong 1984. Kapag tapos na sa pag-iiskuba ng toilet, pagbubunot at paglilinis sa bahay ng mga Italianong pinagsisilbihan, hindi n’ya sinayang ang natitirang oras para magkaroon ng karagdagang kita at maipadala sa pamilya sa Pilipinas. Nagtinda s’ya ng mga bag, pagkain at sari-saring produkto sa isang maliit na pwesto sa Termini (Central Train Station sa Roma) at sa Risorgimento (tram stations). Habang tumatagal ay kinailangang matutunan ni Norma ang Italian language upang mas marami pa siyang maibenta. Bagama’t hindi siya nakatapos man lang ng high school, pinagsikapan ni Norma na matuto ng Italian, at madali naman siyang natuto. Naging hamon sa kanya ‘yon sa paghahangad na makahanap ng mas magandang oportunidad para kumita ng mas malaki para sa kanyang pamilya. Matapos ang isang taon, sumunod na ang asawa ni Norma sa Italy at magkatulong silang kumayod para mabuhay ng maayos ang 11 isang anak na naiwan sa Pilipinas. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, natural lamang na dumarami rin ang pangangailangan nila. Kulang pa rin ang kinikita ng mag-asawa sa paglilinis ng mga bahay at pagtitinda. Kaya’t naging mapusok si Norma at nag-full time sa pagbebenta ng sari-saring produkto at pagkain. Dahil pre-requisite sa pagkuha ng business permit sa Italy ang pagkatapos ng pag-aaral, nag-enrol si Norma ng high school. Natapos n’ya ang kurso sa loob ng isang taon at apat na buwan noong 1993. Gumastos siya ng 37,000 lira sa pag-aaral sa Camera di Commercio. Bihasa na siyang sa Italian language noon. Sa wakes, nakakuha na si Norma ng business permit sa Circo Scritzione para makapagtinda ng alimentari (grocery items) o abbigliamento (damit). Makaraan ang limang taon, nagkaroon na ng sariling convenience store si Norma sa Andrea Doria Market, isang kilalang pamilihan na malapit sa Vatican. Hindi naglaon ay lumipat siya ng pwesto sa Ponte Millo, at lumipat siya ulit sa Piazza Mancini at Viale Pinturichio kung saan patuloy siyang kumikita sa loob ng anim na taon. Hindi na kinailangan ng mag-asawang Macalindong na kumuha pa ng trabahador. Sila na lang ang nagpatakbo ng tindahan. Naging inspirasyon ang tagumpay ni Norma sa ibang Pilipino sa Roma at maging sa ibang South Americans na dati n’yang suki sa tindahan. Mahusay makisama ang mag-asawa. Nagpapautang pa nga sila sa kapwa Pinoy dahil naiintindihan nila ang mahigpit na pangangailangan para makapagpauwi ng pera sa pamilya sa Pinas. Bagamat maayos na ang buhay ng kanilang pamilya, hindi nakalimutan ng mag-asawa na tumulong sa Pilipinas habang nadadagdagan ang kanilang kita. Itinayo nila ang Macalindong Export-Import sa Las Pinas na lalong naghaitd ng swerte sa kanyang pamilya, at nagbigay pa ng trabaho sa kapwa Pinoy habang tumutulong pa rin sa bayan. Noong isang taon ay na-elect si Norma bilang Consifglieri (councilor) sa Municipio 2 sa Roma. Ang eleksyong ‘yun ang paraan ng Italian government para mapalawig ang representasyon ng mga migrante sa pamamahala. Layunin ni Norma na gamitin ang posisyong ‘yun sa pagpapahalaga sa edukasyon tungkol sa paghahanap-buhay (entrepreneurship) ng mga Pilipino. Dahil sa tagumpay na narrating ni Norma, napili siyang parangalan bilang natatanging Overseas Filipino Entrepreneur. - GMANews.TV