Entertainer sa Japan, GRO sa Pinas
Tatlong taon pa ang bubunuin ni Edna para makakuha ng diploma sa isang unibersidad sa Recto sa Maynila. Pero dahil sa lumalaki na ang gastusin sa kanyang pamilya, napilitan siyang pumasok bilang GRO (guest relation officer) sa isang KTV bar. Noong una, sinubukan niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho sa club ngunit hindi ito kinaya ng kanyang katawan at nagpasyang sa tumigil na lamang sa pag-aaral. Panganay si Edna sa limang magkakapatid. Hindi sapat ang kita ng kanyang ina sa pagtitinda ng karne kaya malaking tulong ang kinikita niya sa club. Dahil maganda at may timbre ang boses, isang talent scout ang nag-alok sa kanya na magtrabaho sa Tokyo bilang âentertainer-singer." Malaki ang kita ni Edna sa Japan at kahit papaano ay nakapagpundar siya ng gamit sa ipinadadalang pera sa Pilipinas. Ngunit nagbago ang magandang kapalaran nang maghigpit ang Japan sa pagkuha ng mga entertainer, bilang isang hakbang upang mapigil ang tumitinding human trafficking sa bansa. Kasama si Edna sa mga pinauwi sa Pilipinas bunga ng naturang polisiya. May pag-asa pa sana siyang nakabalik at ganap na maging âtimer" (tawag sa mga entertainer na mahigit sa dalawang beses nang nakabalik sa Japan) kung college graduate lamang siya. Pinangakuan si Edna ng kanyang scout na gagawa ng paraan upang makabalik siya sa Japan. Ngunit isang taon na ang lumipas at paubos na ang kanyang ipon wala pa ring linaw kung makababalik nga siya. Kaya, napilitan siya bumalik sa pagiging GRO. Okay lang sana ang pagiging GRO sa Pilipinas, pero mas malaki ang naiipon niya sa pagiging entertainer sa Japan. Bukod pa rito, mas desente raw na ka-table ang mga Hapon kaysa âilang" Filipino. Umaasa si Edna na makakagawa ng paraan ang mga opisyal sa Pilipinas para mahimok ang gobyerno ng Japan na bahagyang luwagan ang polisiya sa pagtanggap ng mga entertainers. Sa ngayon, balak muli ni Edna na mag-aral--balik uli sa paggiging GRO. Pero hindi na siya interesado na tapusin pa ang kanyang kurso sa kolehiyo. Kumuha na lamang siya ng short course sa âcare givingâ sa pag-asang ito ang paraan para makapagtrabaho muli sa ibang bansa.