ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinay sa Bahrain itinali sa kama matapos 'magwala'


Walang ibang nasa isip si Editha Ramos, 39, tubong San Roque, Pampanga nang umalis ng Pilipinas kung hindi ang kumita ng pera sa Bahrain upang matulungan ang asawa sa pagpapaaral ng kanilang dalawang anak. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, may karamdaman si Editha na naging sagabal sa kanilang mga pangarap--ang stroke. At kamakailan nga, sa ulat ng Gulf Daily News, isinugod si Editha sa pagamutan ng Salmaniya Medical Complex (SMC) upang malapatan ng lunas. Kung tutuusin, mapalad pa rin si Editha dahil mabait ang kanyang amo at siya ay ipinagamot. Isang araw, nabigla ang mga staff ng pagamutan nang maging aburido si Editha. Nagpipiglas siya sa kanyang kama hanggang sa mahulog, una ang mukha. Dahil sa aksidenteng ito, pumutok at namaga ang kanyang labi. Upang hindi na maulit ang insidente ay napilitan ang mga hospital staff na itali siya sa kama kahit kalahati na ng kanyang katawan ang naparalisa bunga ng tinamong major stoke. Napaglaman na ang dahilan ng pagiging aburido ni Editha ay ang pagkawala ng kanyang “bagong kaibigan" na nagpapahiram sa kanya ng cellphone upang matawagan ang asawang si Ruben sa Pilipinas. Pasyente rin sa hospital ang hindi tinukoy na bagong kaibigan ni Editha. Labis na nabahala ang Pinay nang malaman na nakalabas na ang kaibigan. Nangamba siyang hindi na niya makakausap ang pamilyang naiwan sa Pilipinas. Dala marahil ng kanyang kundisyon sa kalusugan at emosyonal na sitwasyon, naaburido si Editha na humantong sa kanyang pagkakabagsak sa higaan. Kuwento ni Ruben sa panayam ng Gulf Daily News, bagaman medyo bumigat ang timbang ni Editha, malusog ito nang umalis ng bansa noong Oktubre ng nakaraang taon. Madalas din umanong ibalita ni Editha na maganda naman ang kanyang kalagayan sa Bahrain at mabuti ang ugali ng kanyang mga amo. Madalas din umano silang magkaroon ng komunikasyon sa pamamagitan ng text o tawag sa cellphone. Kaya naman nang hindi niya ito nakausap sa loob ng apat na araw, agad siyang nag-alala. Hanggang sa malaman niya sa isang kaibigan na isinugod nga sa pagamutan ang kanyang kabiyak dahil sa stroke. Naniniwala si Ruben na nakatulong din kahit papaano kay Editha ang pagpapagamit ng telepono ng kanyang “bagong kaibigan." At sa kabila ng lahat, nagpapasalamat si Ruben sa mga tumulong sa kanyang asawa. Umaasa siyang makakauwi na kaagad ito sa Pilipinas upang dito na ipagpatuloy ang therapy upang bumalik sa normal ang kalusugan ni Editha. Ayon sa opisyal ng embahada, nakahanda ang pasaporte at plane ticket ni Editha at hinihintay na lamang ang pagsang-ayon ng doctor na puwede siyang bumiyahe pabalik ng Pilipinas. - Fidel Jimenez, GMANews.TV