ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Backyard shrimp culture maaring gawing negosyo


Para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na gustong magkaroon ng maliit na negosyo, maaaring subukan ang shrimp culture. Iilan lamang sa mga Pilipino ang kayang bumili ng hipon dahil sa sobrang mahal nito, P200 hanggang P600 ang bawat kilo, depende sa klase. Backyard prawn farming ang kinahihiligan ngayon ng mga taga-Abucay, Bataan. Ayon sa mga dalubhasa sa Department of Agriculture (DA), madaling mag-culture ng hipon dahil hindi kailangan ang feeds, kung tama lamang ang pag-aalaga nito. Mahusay na pagkukunan ng mataas na protina, bitamina at mineral ang hipon. Mababa ang fat at calorie content nito madaling matunaw sa ating tiyan. Mataas nga lang ang cholesterol content. Ayon sa pananaliksik ng Freshwater Fisheries Research Station, malaking potensyal ang pag-aalaga ng hipon sa palaisdaan. Ito ay madaling alagaan at nangangailangan lamang ng maliit na puhunan. Hindi sa lahat maaaring mag-culture ng hipon. Yaong may mga lupa sa probinsya maari pa. At least, kailangan mo ng 3 x 8 meters na sukat ng lupa para makapagtayo, minimum na required size, ng shrimp pond. Ang mga sumusunod ay sertipikado ng DA na tamang paraan sa pag-alaga ng hipon. Mga kailangan sa pag-aalaga ng hipon 1. Patuloy na patubig mula sa ilog o dili kaya ay bumomba mula sa poso (artesian well). 2. Kailangang malinaw, malinis ang tubig at hindi nagtataglay ng mga nakalalasong sangkap ng polusyon. 3. May tamang disenyo nang palaisdaan, upang mabilis ang pagpapalit ng tubig o pagpapatuyo nito. 4. Naaabot ng sikat ng araw upang makapagpatubo ng likas na pagkaing tinatawag na "plankton"at halamang nagbibigay ng oksineho(oxygen). 5. Kailangang "clay loam" o lupang banlik dahil ito ay nakapag-iimbak ng tubig. 6. Dapat hindi nanganganib sa baha. Paraan ng pag-aalaga ng hipon Paghahanda ng Palaisdaan a. Pakatihin at patuyuin ang palaisdaan sa loob ng limang araw upang maalis ang lahat ng nabubuhay dito, kagaya ng hito, dalag, kuhol, o palaka. b. Ang palaisdaan na may sukat na 3m x 8m ay mainam na panimula sa pag-aalaga ng hipon. Panatilihin ang lalim ng tubig mula 0.6-1.0 metro c. Maglagay ng organikong pataba tulad ng dumi ng manok o chicken manure sa daming 150 gramo bawat metro kuwadrado (150g per sq. m.). d. Ulitin ang paglalagay ng pataba tuwing ikalawang lingo subalit kalahati lamang ng naunang dami. Pagpapakawala ng binhing hipon Magpakawala ng daming sampung piraso bawat metro kuwadrado, sa proporsyong isang lalaki at siyam na babae. Ang hipon na may sukat na 2.5cm hanggang 3.0cm ay mainam na panimulang binhi. Pagpapakain Kung sapat ang pagkaing natural o plakton sa palaisdaan, hindi na kailangang gumamit ng karagdagang pagkain o supplemental feeds. Pangangasiwa ng Palaisdaan Ang paglalagay ng bunbon o siit sa palaisdaan ay kinakailangan upang magsilbing silungan o kapitan ng maliit at malalaking hipon, lalo sa panahon ng pagluluno. Dagdagan o bawasan kung kinakailangan, ng magsindaming tubig ang palaisdaan minsan sa loob ng ilang buwan kung tag-ulan at dalawang beses o linggu-linggo sa panahon ng tag-init, upang mapanatili ang linis ng tubig at oksinehong kailangan ng hipon. Pag-aani Sa loob ng apat na buwan ay maari nang anihin ang hipon. Pakatihin ang palaisdaan sa pamamagitan ng paglalagay ng kanal sa gilid o gitna upang magsilbing daanan o agusan ng tubig at hipon. Sa patungong labasan o "gate" kinakailangang may lambat na may ibat- ibang laki ng mesh size upang kusang mapaghiwalay ang maliiit sa malalaking hipon. - Luis Gorgonio, GMANews.TV