ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OFWs na maysakit sa ibang bansa dumarami


Dumarami ang kaso ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagkakasakit sa bansa na kanilang pinupuntahan. Ngunit hindi alam ng mga migranteng manggagawa na bitbit na nila ang sakit pag-alis pa lang nila ng Pilipinas at lumulubha na lamang dahil sa bigat ng kanilang trabaho. Tulad na lamang ni Fey Saludar Lastimosa na kinanlong ng ilang buwan ng Overseas Filipino Workers Administration (OWWA) shelter sa Bahrain, ayon sa ulat ni Ayla Marisse G. Ginete para sa www.bahraintribune.com. Hindi batid ni Fey, mula sa Zamboanga, na apat na buwan na siyang nagdadalang-tao nang pumunta sa Bahrain para maging domestic helper. At dahil sa halos walang tigil na trabaho, dinugo si Fey at tuluyang nalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan na lima’t-kalahating buwan. Labis ang lungkot si Fey sa pangyayari at sinisi niya ang agency na nangasiwa sa kanyang medical check-up. Imposible nga namang hindi natuklasan sa kanyang mga medical examination na may sanggol siyang dinadala sa sinapupunan. Sa pagkawala ng kanyang dapat sana’y pang-apat anak, desidido si Fey na kasuhan ang kanyang agency. Hindi lang kasi nawalan siya ng anak, nawalan din siya ng trabaho dahil sa pangyayari. Masuwerte na rin lamang si Fey dahil sa ilang buwan na pamamahinga sa OWWA shelter ay nahanapan siya ng bagong trabaho na mapapasukan bilang waitress. Sa ulat ni Ginate, sinabi ni Consul General Jose Burgos na maraming mapagsamantalang recruiter ang isinasakripisyo ang kalusugan ng kanilang kababayan na mahigpit ang pangangailangan ng trabaho. Ngunit kung minsan, ang mga OFWs na rin ang naglilihim ng tunay na kalagayan ng kanilang kalusugan at titiisin na lamang ang lahat kumita lamang ng pera na maipapadala nila sa maiiwanang pamilya sa Pilipinas. Ayon kay Burgos, bihirang tinatatanggihan ng mga agencies ang aplikasyon ng isang DH at agad na ipinadadala ang mga ito sa kanilang sponsor o employer kahit hindi nasuring mabuti ang kanilang kalusugan. Sa mga nakalipas na buwan, ilang OFWs ang nagtungo at kinanlong ng OWWA centers upang ipasuri ang kanilang karamdaman gaya ng nangyari kay Fey. Ang kaso ni “Nora" ang isa sa mga pinakabagong insidente ng OFWs na may sakit na ipinadala ng agency sa Bahrain. Tumakas si Nora sa kanyang sponsor dahil ayaw siyang ipatingin sa duktor. Agad na ipinasuri ng OWWA si Nora sa Salmaniya Medical Complex upang alamin ang estado ng kanyang sakit. Pinapaniwala naman si “Dionisia" ng kanyang employer na mayroon siyang contracted hepatitis B matapos operahan sa “pigsa." Hinihintay pa ang resulta ng kanyang eksaminasyon. Dinala rin at inoobserbahan sa SMC si “Roselyn" dahil sa mga bukol na naglabasan sa kanyang suso. Pag-aaralan kung kailangang operahan si Roselyn bago siya pauwiin sa Pilipinas. Isa pang nakababahalang kaso ang nahawakan ng OWWA nang magkaroon ng kidney stone ang isang DH at kinailangang dalhin sa ospital para maalis ang nararamdaman niyang pananakit. Subalit sa kabila ng mga ganitong insidente na nagkakaroon ng sakit ang mga DH, maraming sponsor ang ayaw pumayag na sila ay hayaang makaalis at maipasuri sa duktor. Isa sa mga problema ng mga OFW ay ang pagkuha ng mga sponsor sa kanilang pasaporte kaya mistula silang hostage. Pumapayag lamang ang sponsor na ibalik ang kanilang pasaporte kapalit ng malaking halaga. Kaya naman mahigpit na payo ng OWWA sa mga nagbabalak na OFWs na tiyakin na nasa maayos silang kalusugan bago umalis upang hindi mapahamak sa bansa na kanilang pupuntahan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: buhayofw, ofw