ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating GMA-7 talent sumisikat sa Qatar


Tulad ng kanyang pangalan, nag-iiwan ng matamis na ngiti sa kanyang mga tagahanga ang sexy diva na si Mocha tuwing magpapamalas ng husay sa pag-awit at pagsayaw sa ibang bansa. Ang dating talent ng GMA 7 ay mabilis na nakikilala ngayon sa entertainment circuit sa Doha, Qatar. Matapos magtanghal sa nakaraang Asian Games na ginanap sa nabanggit na bansa, hindi na nabakante si Mocha. Patunay ng kasikatan ni Mocha ang pagpila ng kanyang mga tagahanga sa Qube, ang pinakamalaking bar sa Qatar na makikita sa loob ng sikat na Ramada Hotel, kung saan mapanood lamang ang kanyang pagtatanghal. Bukod sa regular na pag-awit, sunud-sunod rin ang mga alok kay Mocha para lumabas sa mga ads para mag-endorso ng mga produkto at magtanghal sa ibat-ibang lugar sa Middle East tulad sa Dubai, Bahrain, Abu Dhabi at Oman. Hindi naman siyempre mawawala ang suporta ng kanyang mga kababayan na dumadagsa sa kanyang mga gigs. Kung minsan, hindi maiwasan na ihambing si Mocha kasama ang kanyang mga backup singers-dancers na sina Bambi at Hershey, sa sikat na foreign singers na Pussycat Dolls. Ang mga tagahanga ni Mocha ay tila nagagayuma sa maganda niyang tinig na sinasabayan ng pag-indayog ng magandang hubog ng katawan. Hindi na bago si Mocha sa mundo ng entertainment business. Halos anim na taon na siya sa propesyon at patuloy pang tumatatag. Malaking puhunan niya ang magandang mukha at katakam-takam na hubog ng katawan—samahan pa ng malamig na tinig at tamang timpla ng pag-indak. Pumaimbulog ang singing career ni Mocha nang madiskober siya ng GMA Talent Centre. Nakasama siya sa grupong “Flavours," na naging regular casts sa soap TV series na "Twin Hearts." Bukod sa paglabas sa telebisyon, gumawa rin ng mga dance album ang grupo para sa Universal Records. Dating vocalist ng banding “ Spin Art" si Mocha na regular na tumutugtog sa ibat-ibang bar sa Metro Manila gaya ng Ratsky's, Dusit's Fiesta San Miguel, Hard Rock Café, Bagaberde, Virgin Café, Tavern, at Mugen. Nang matapos ang kontrata niya sa GMA, pinili ni Mocha na mag-solo at kasunod nito ay ang paglabas ng kanyang unang album na may titulong “My Love A Taste of Mocha." Ang naabot ni Mocha ay patunay lamang na ang talento ng Filipino ay hinahangaan saan mang panig ng mundo makarating ang Pinoy. - Fidel Jimenez, GMANews.TV