ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Rolly Cruz: Bangkerong kaibigan ng OFWs sa Hong Kong
By ERMA C. GEOLAMIN
The Sun, HK: Kilalang-kilala ang bangkong pinagtatrabahuan niya, at kilala rin siya bilang isa sa mga respetadong lider ng Filipino community sa Hong Kong. Siya si Rolly Cruz, kasalukuyang chairman ng Philippine Bankers Club Hong Kong at general manager ng Philippine National Bank Remittance Centre Ltd. Si Cruz ay dumating dito noong Agosto, 1988 bilang chief accountant ng PNB International Finance Ltd at PNB-HK branch. Tumulong siya sa bank operations hanggang maitayo ang PNB Remittance noong 1994. "Dumarami na ang mga kababayan natin noon at kailangan naming mag-spin off ng aming remittance business to better serve the financial needs of the OFWs," ang sabi ni Cruz. Ginawa ito ng PNB sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga branches sa mga lugar na marami ang mga Pilipino. Para higit na makilala ang PNB, nag-isip si Cruz ng mga catchy slogans para sa bangko, katulad ng "Ang bangko ng bayan, tunay na kaibigan" o "Kapartner ng bawat remitter." Nang magkaroon ng tie-up ang PNB sa Citibank upang gamitin ang 7-Eleven para mag-remit ang mga OFWs, naisip naman niya ang slogan na "Ang bangkong kilala mo, lumapit na sa iyo." At nang ang HSBC naman ang kanilang ka-partner, inimbento naman niya ang "Mag-PNB Remit sa ATM na malapit." Samantala, ang isa pang slogan na hindi lang ang PNB ang gumagamit kundi pati na rin ang ibang bangko sa HK ay si Cruz din ang may likha. Ito ang , "Sa bangko, sigurado kayo." Ang slogan ay isang panghihikayat sa mga OFW na idaan ang kanilang mga remittance sa bangko. Taong 2005 pa nang ilunsad ang kampanyang ito, pero kamakailan ay binuhay muli sa pamamagitan ng isang choral competition na ginanap sa Chater Road. Bukod dito, pinakilala rin ni Cruz sa mga OFWs ang PNB Pangarap Account. Ayon kay Cruz, ang salitang "pangarap" ay kilalang-kilala ng mga OFWs sapagka't ito ang dahilan kung bakit sila nagtatrabaho sa ibang bansa. Naniniwala siya na nandito ang mga OFWs dahil sila ay may mga pangarap na nais matupad sa buhay. "The word pangarap is like a moral booster for OFWs to save and save," aniya. "Ang mahalaga ay mag-umpisa sila ngayon sapagka't hindi natin alam ang mangyayari sa atin kinabukasan," dagdag pa niya. Ayon pa kay Cruz, "Naniniwala ako na ang PNB Pangarap Account ang pinakamagandang regalo sa sarili habang nagtatrabaho pa tayo sa labas ng bansa." Kasama sa trabaho ni Cruz ang makisalamuha sa mga OFW, kaya halos tuwing linggo ay makikita siyang umiikot sa mga iba-ibang organisasyon. Sa kanyang pakikitungo daw sa mga OFW niya nalalaman ang mga tunay na dahilan kung bakit nangingibang-bansa ang mga Pilipino. Kapampangan Ipinanganak si Cruz noong Peb. 15, 1957 sa San Fernando, Pampanga, at doon din niya tinapos ang kanyang elementary at high school. Nagtapos siyang salutatorian sa Jose Abad Santos High School noong 1974, at noong 1978 ay nagtapos naman siya ng A.B. Economics sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nadagdagan pa ang kanyang kaalaman nang kumuha siya ng kursong Advanced Bank Management sa Asian Institute of Management. Ito umano ay isang special course para sa mga PNB officers, at ginanap mula Abril hanggang Mayo noong 1991. Sa 19 na taong pamamalagi niya sa HK ay maraming mahahalagang posisyong ginampanan si Cruz sa komunidad. Naging founding member at ingat-yaman siya ng Confederation of Overseas Filipino Workers noong 1997-2002, at naging guro at coordinator din siya ng New Enterprise Planning Class ng UP Open University na ginanap sa Bayanihan Center noong 1995-96. Noong 1998 ay naging punong-abala naman siya sa pag-oorganisa ng Centennial Celebration ng Philippine Independence dito sa Hong Kong. Nang magkaroon ng kauna-unahang overseas absentee voting dito sa HK noong 2004, naging miyembro naman siya ng special board of canvassers. Sa taong ding iyon ay naging chairman naman siya ng Philippine Association of HK, isang grupo ng mga professionals at negosyante na karamihan ay mga Pilipino. Mula noong nakalipas na taon at hanggang ngayon ay chairman naman siya ng PBC-HK. Bilang lider ng mga bangkero, lalong naging masigasig si Cruz sa pagdalo sa mga iba-ibang pagtitipon sa komunidad. Isa lang sa mga karagdagang pagsisilbi niya ang pagiging presentor sa buwanang post-arrival orientation seminar para sa mga bagong dating na OFW. May ilang grupo din na kumuha sa kanya bilang adviser. Ayon kay Cruz, masaya siya dito sa Hong Kong dahil panatag ang loob niya sa peace and order situation dito. Subalit mas masaya siya dahil kasama niya dito ang kanyang pamilya na nagbibigay-inspirasyon at lakas sa kanya. Biktima ng lahar Nang unang dumating si Cruz dito ay hindi muna niya isinama ang kanyang lumalaking pamilya. Pero nang bumaha sa kanilang bayan sa Pampanga noong 1995 sanhi ng pagputok ng Mt. Pinatubo ay sinamahan na siya dito ng kanyang asawang si Tonette at pitong anak. Sa paglipas ng panahon ay isa-isang nagbalikan sa Pilipinas ang kanyang mga anak para doon ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Sa kasalukuyan ay masayang namumuhay si Cruz sa HK kasama si Tonette ang lima sa kanilang mga anak, kabilang ang bunsong si JR., na kasa-kasama niya sa pag-iikot sa komunidad tuwing Linggo. "My family is still growing. Nadagdagan pa with a granddaughter na si MJ and a grandson, Justin Kyle," dagdag-kuwento ni Cruz. Sa tagal niya sa HK ay damang-dama ni Cruz ang mga problema at hinaing ng mga OFW. Ang lagi niyang ipinapayo sa kanila ay pangalagaan nila ang kanilang sarili para maging malusog, at ugaliin ang pagdadasal sapagka't ito lang daw ang kanilang mga sandata sa pakikibaka, lalo na't malayo sila sa kanilang mga minamahal sa buhay. Aniya, mahirap ang buhay sa abroad at hindi maiiwasan na magkaroon ng problema. Sa mga ganitong sitwasyon ay maiging magdasal at magkaroon ng tiwala sa Diyos na siyang nagbibigay ng lakas ng loob. At siyempre pa, kailangan ding mag-ipon, hindi lang para sa pangangailangan ng pamilya, kundi para na rin sa pagtanda.
Tags: rollycruz, pinoysinhongkong
More Videos
Most Popular