Batang Pinoy sa kandungan ng dayuhang magulang
Sino ang hindi nakakakilala kay Apl.de.Ap, ang lead vocalist ng hip-hop singing group sa Amerika na The Black Eyed Peas. Ngunit bago pa siya naging si Apl, bininyagan siya bilang si Allan Pineda Lindo mula sa Brgy. Sapangbato sa Angeles City, Pampanga. Si Allan ay isa lamang sa libo-libong batang Pinoy na masuwerteng nagkaroon ng maayos na buhay sa piling ng mga dayuhan na nagsilbing kanyang âikalawang magulang" o âfoster parent." Filipina ang ina ni Allan na si Christina at African-American ang kanyang ama na dating nadestino sa Clark Air Base sa Angeles City. Ngunit tulad ng maraming kuwento ng mga Amerasian (American-Asian) sa Angeles, si Allan ay iniwan ng kanyang ama. Kaya naman mag-isang itinaguyod ni Aling Christina si Allan kasama ang anim pa niyang kapatid (apat na lalake at dalawang babae). Edad 14 na si Allan nang ampunin siya ng isang pamilya sa US at dalhin siya sa Los Angeles sa California. Hapon nang sumakay siya sa eroplano na maglalayo sa kanya at sa kanyang ina. Ang hapon na iyon ang itinuturing niyang pinakamalungkot na sandali sa kanyang buhay nang panahon na iyon. Sa kanyang murang isip ay naglalaro ang agam-agam kung anong buhay ang maghintay sa kanya sa kandungan ng bagong magulang. Subalit ang mga pangambang iyon ay nasuklian ng saya dahil sa mabuting pagtrato sa kanya ng ikalawang magulang. Nilabanan ni Allan ang kalungkutan, takot, at alinlangan. At sa tulong ng kanyang talento sa musika at sayaw sa kanyang kabataan, ngayon ay isa nang haligi sa industriya ng musika sa sa Amerika si Apl. Sa kabila ng tagumpay, hindi niya nakalimutan ang bansang kanyang pinagmulan. Mapait na kabataan Kamakailan, nakabalandra sa Internet ang kwento tungkol sa 11 batang Pinoy na pawang ulila at naghihintay ng âkalinga" mula sa mga taong naghahanap ng anak, sila man ay dayuhan. Takaw atensyon ang panimula sa ulat na naglalahad tungkol sa nakaraan ng ilang batang ipinaaampon. Inabandona sa edad na dalawa; naging batang kalye sa edad na pito; tinuraan magnakaw ng ina para mabuhay; at may naghihintay sa paglaya ng nakakulong na ama. Sa kabila ng madilim na mga kuwento ay may liwanag naman na maaninag sa talentong taglay ng mga bata. Mayroong maruning magpatugtog ng violin; mahusay magdebuho at mayroon pang nakalabas na sa mga product endorsements sa radyo at telebisyon. Ang grupong nangangasiwa sa pagpapaampon sa mga bata ay ang non-profit adoption center na Hand in Hand na nakabase sa Pilipinas at may tanggapan sa Colorado, Arizona, Minnesota, Indiana at Florida, sa Amerika. Sinasabing ang pag-aampon ay natural na sa US. Ang mga bata ay ipinapareha sa mga magulang na nais maging foster parent. Hahayaan silang kilalanin ang isat-isa sa loob ng ilang linggo. Sa darating na summer, dadalhin ng Hand and Hand ang 11 batang ulila sa Fort Wayne sa Detroit upang hanapan sila ng mga interesadong pamilya na nais silang bigyan ng bagong pag-asa. Ang pagbibigay ng panahon sa mga interesadong foster parent at bata na magkasama panandalian ay higit na epektibo umano kaysa basta na lamang ipapaampon ang bata nang hindi pa nabibigyan ng adjustment ang magkabilang panig upang kilalanin ang bawat isa. Kumpara sa ibang bansa na nagpapaampon din tulad sa Russia, higit na bukas at malawak ang impormasyon na ipinagkakaloob sa mga bata mula sa Pilipinas. Sa edad nila na 11 hanggang 13, batid ng mga batang Pinoy na ang kanilang pagbiyahe sa US ay hindi lamang simpleng bakasyon kundi pagkakataon upang makamit nila ang pagmamahal ng panibagong magulang. Kapit-kamay Sa kanilang website na www.hihiadopt.org, ipinakilala ng Hand and Hand ang sarili na 32 taon nang tumutulong sa mga bata na sabik sa pagmamahal ng magulang. Sinsabing umabot na sa 6,000 bata na ang naihanap na nila ng bagong tahanan sa US. Ngunit hindi lamang mag-asawang hindi magkaanak ang maaaring umampon. Kasama rin sa kanilang programa ang mga indibidwal na walang asawa, ang mga matatanda, kahit ang buong pamilya. Si MaryLee Fahranbrink Lane ang nagpasimula ng programa sa ampunan nang manatili siya sa Pilipinas noong May 1974 . Nakita umano ni Lane ang mahirap na kalagayan ng mga batang ulila at inabandona nang mga panahon iyon. Sinimulan niya ang pilot program taong 1975 at simulan ang paunang inter-country adoption program sa 16 bata. Ang mga bata ay nakahanap ng kalinga sa mga pamilyang nasa US at Europe. Marso ng 1976 , sinasabing ang pamahalaan ng Pilipinas ang humiling kay Lee na palawakin pa ang programa at magdagdag ng mga batang ihahanap ng foster parents. Kasunod nito ay binuo niya ang bahay ampunan na tinawag na Create Responsive Infants By Sharing o CRIBS. Bumuhos ang suporta sa programa at umabot sa 350 mga bata ang nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng panibagong buhay. Ngunit dahil sa mga pagbabago at kaguluhan sa gobyerno, napilitan bumalik si US si Lee noong 1977. Sa kanyang pagkawala at pagpapatupad ng bagong kondisyon na ang mga bata ay maaari lamang ipaampon sa loob lang ng Pilipinas, napuno ng mga bata ang CRIBS. Hindi naman pinabayaan ni Lee na tuluyan lumubog ang programa, humanap siya ng paraan upang makakuha ng pandaigdigang atensiyon sa kalagayan ng mga bata at nagtagumpay naman siyang buhayin ang inter-country adoption programs. At mula sa pangalan CRIBS, pinalitan na ito ng Hand In Hand International Adoptions. Mahigpit na sinusunod ng Hand in Hand ang patakaran ng mga bansang sa pagpapampon. Ang mga foster parent na aampon ng bata na wala pang dalawang taon ang edad ay kailangan nasa nasa edad mula 27 hanggang 47. Patakaran ng Hand in Hand na 15 taon dapat ang pagitan ng magulang sa kanilang magiging anak. Sa Pilipinas, kailangan mayroon dalawang taon na pagitan mula sa aplikasyon ng magulang sa pag-ampon sa bata. Ibig sabihin, dalawang taon ang kailangan hintayin bago nila makuha ang bata. Kailangan Kristiyano ang aampon, kung kasal naman ay dapat tatlong taon ng nagsasama, kung diborsiyado naman ay kailangan limang taon nang hiwalay sa kanyang asawa. Ang mga aampon din ang sasagot sa mga gastusin ng bata kasama na ang pagbiyahe nito at pagproseso ng mga papeles. - Fidel Jimenez, GMANews.TV