Barangay captain sa Pampanga patay sa ambush
Habang papalapit ang halalan sa Lunes, isang kapitan ng barangay sa lalawigan ni Pangulong Gloria Macapacal Arroyo ang nadagdag sa patuloy na humabahang talaan ng karahasan sa bansa. Agad na binawian ng buhay si Eugenio Manicdao, 52, kapitan ng Barangay Candading sa Arayat, Pampanga. Siya ay kilalang taga-suporta ni Chito Espino, tumatakbong muli bilang alkalde ng Arayat. Ayon sa ulat ng Sun-Star Pampanga, tinambangan ng ilang hindi pa nakikilalang lalaking naka-motorsiklo si Manicdao habang siya ay patungo sa campaign headquarters ni Espino nang siya ay barilin malapit sa dike sa Suklayan village noong Biyernes. Tumatakbong muli bilang mayor si Espino sa ilalim ng Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi), partido ni Pangulong Arroyo. Ayon kay Pampanga provincial police Chief Senior Superintendent Ernald Singian, minamaneho ni Manicdao ang isang barangay patrol ganap na alas 4:30 ng hapon habang siya ay patungo sa headquaters ni Espino nang siya ay tambangan at mapatay. Ayon sa paunang imbestigasyon, sinundan ng mga lalaking naka-motorsiklo ang biktima hanggang barangay Suklayan nang biglang unahan siya nito at paputukan sa ulo at katawan. Nakuha ng mga pulis ang apat na .45 kalibreng pistol shells sa lugar ng krimen. Sinabi ni Singian na si Manicdao ay dating miyembro ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB), isang breakaway group ng New Peopleâs Army (NPA) Samantala, pinaulanan naman ng bala ng ilang armadong kalalakihan noong Miyerkules ang bahay ng isang taga-suporta ni Apalit mayoral bet Jun Tetangco ng Lakas-CMD. Ayon sa pulisya, ligtas si Francisco Castro, 48, ng Balucuc village sa Apalit, bagamat nagkabutas-butas ang kanyang Toyota Revo at Land Cruiser mula sa mga bala ng M-16 at .45 kalibreng baril. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV