'Gapangan' sa pangangampanya naiulat sa Gensan at Bulacan
Sa kabila ng pagbabawal ng Commision on Elections (Comelec) sa pangangampanya isang araw bago ang eleksyon, patuloy pa rin ang mga pulitiko sa patagong pangangampanya o âpaggapang." Gabi pa lamang ng Sabado nang nagsimulang mamudmod ang mga lalaking nakamaskara ng saku-sakong bigas sa mga magsasaka sa General Santos City, ayon sa GMA radio dzBB. Sinabi umano ng mga lalaki na ang mga National Food Authority (NFA) rice ay regalo mula kay re-electionist Rep. Darlene Custodio. Itinanggi ni Custodio ang paratang. Si Custodio ay kalaban ng boksinerong si Manny Pacquiao sa congressional race sa Lunes. Tinitingnan naman ngayon ng pulisya ang posibleng door-to-door campaign ng mga taong iniulat na namamahagi ng 'biyaya' sa mga botante sa Bulacan. Pinaiimbestigahan na ni Police director Sr. Supt. Asher Dolina ang mga ulat na may mga nag-iikot pang nangangampanya sa ika-apat na distrito ng Bulacan. Nagbabahay-bahay umano ang mga lalaki at namimigay ng P1,000 kapalit ng boto ng mga residente. Nagbabala umano ang mga lalaki na sasaktan ang mga inalok na botante kapag hindi ibinoto ang mga kandidato nila. Hindi iniulat ng dzBB ang pangalan ng mga kandidatong iniindorso ng mga di-kilalang kalalakihan. - Mark M. Meruenas, GMANews.TV