Daisy Cantiller: Lider ng taga-Capiz sa HK
HONG KONG - "Life challenges are not supposed to paralize you, they are supposed to help you discover who you are." Ito ang nagsisilbing panuntunan sa buhay ni Daisy A. Cantiller na 15 taon nang namamasukan sa Hong Kong, at kilala bilang masipag na lider ng mga taga-Capiz, ang probinsiyang tinaguriang "bayan ng aswang" ng mga palabiro, nguni't sa mga nakakaalam, ay isang lugar na napayaman sa mga produktong dagat. Tubong Bolo, Roxas City sa Capiz si Cantiller, na bunso sa siyam na magkakapatid. Isa siya sa mga pinakaunang mag-aaral na kumuha ng kursong Nursing Aide sa Filamer Christian College of Roxas City at nakapagtapos din ng Bachelor of Arts in Economics sa nasabing paaralan. Bata pa ay nakilala na si Cantiller bilang isang pinuno. Naging presidente siya ng 4H Club of Roxas City at YCSC (Youth Community Service Club) sa Filamer noong siya ay nasa kelohiyo. Bago siya tumulak sa HK para magtrabaho ay naging unit manager siya ng Audio Visual World Philippines, at naging isang kawani din ng gobyerno sa Maynila. Dahil sa hangaring makatulong na maiahon ang kanyang pamilya sa hirap at makatulong sa pag-aaral ng mga pamangin ay naisipany niyang subukin ang pakikipagsapalaran sa ibang bansa. Dumating si Cantiller sa HK noong Agosto 2, 1992. Simula noon hanggang sa kasalukuyan ay nanilbihan siya sa dalawang amo na parehong taga Shatin. Anim na taon siya sa una, at mag-sasampu sa pangalawa. Dahil hindi naging mabigat ang kanyang trabaho at maluwag sa oras ang kanyang ikalawang amo ay naging aktibo si Cantiller sa pagsali sa mga organisasyon tulad ng GMPA (Galing Manggagawang Pinoy Abroad). Ito ang naging daan para siya at ang kanyang grupo ay maatasan na maging tour guide ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pagbisita sa HK noong Nobyembre ng nakaraang taon. Si Cantiller ay isa ring aktibong miyembro ng Filcomsin at kasalukuyang auditor ng DBP-EC Club. Itinatag niya ang Capiz Achievers noong Dis.4, 2004 na ang layunin ay magkaroon ng pagkakaisa at magandang samahan ang mga taga Capiz na nakatira at nagtatrabaho sa HK, magkaroon ng mga proyekto para sa Capiz para sa kapakinabangan ng kani-kanilang mga pamilya, makiisa sa mga miyembro ng ibang organisasyon, at makilahok sa mga gawaing makakabuti sa komunidad ng mga Pilipino dito sa HK. Ipinagmamalaki ni Cantiller na sa kasalukuyan ay mahigit nang 100 ang kanilang mga miyembro na sama-samang nagtutulungan para sa ikabubuti ng kanilang grupo.. "May mga tampuhan din, inggitan at siraan, di naman maiiwasan , pero lahat naman ay nadadaan sa magandang usapan," paliwanag ni Cantiller. Hindi naging madali para kay Cantiller ang pagpapalaki ng kanyang grupo dahil may mga nagsasabi na hindi sila magtatagumpay. Nguni't hindi niya ito pinansin, at bagkus ay nagsikap siya upang maging makabuluhan ang grupo at mapanatili ang maganda nilang samahan. Ang kanyang pagtatagumpay ay makikita sa dami ng mga proyektong nagawa na ng Capiz Achievers, at pati na rin ng iba-ibang premyo nilang nakamit sa mga patimpalak, katulad ng pagkapanalo nila ng $3,000 sa katatapos na pa-bingo ng Smart. "Talaga namang ginalingan namin, kumpleto ang requirements namin, tuwang tuwa ang mga kasapi ng organisasyon kaya sulit talaga ang hirap. Talaga namang pinag aralan ko lahat ng rules nila kaya kami nanalo," ang nangingiting wika ni Cantiller. Nagkamit din sila ng karangalan sa iba-ibang kategorya sa isang patimpalak na itinatag ng Bayanihan Centre: 2nd place sa Balagtasan, 2nd place sa Newscasting, 2nd place sa English Extemporaneous Speech, at 3rd place sa Folk Dance (Carinosa). Maging sa mga pa-contest ng ibang organisasyon ay hindi rin rin pahuhuli ang mga taga Capiz Achievers. Nag 2nd place sila sa comedy skit contest ng PASSI noong 2005 at champion noong 2006. Bigatin din ang grupo sa pagsayaw dahil hindi lang folk dance ang alam nila, kundi pati modern. Naging kampeon sila sa gilingan at sayawan na ginawa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Ladies International HK, at second place naman sa pa-contest ng VIP International HK sa Chater Road, at ganoon din sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Helping Hands. Aktibo din ang grupo sa pagsali sa mga cultural shows, katulad nang sumayaw sila ng "Itik-itik" sa isang programang tinanghal sa Wan Chai kasabay ng anibersaryo ng DAB-HK (Democratic Alliance for the Betterment of HK), at isa pang multi-cultural show sa Yuen Long. Sa pakikipagtulungan nila sa Care@Unite Foundation, nakapagbigay din ang Capiz Achievers ng tig-dalawang unit ng computer sa 16 na paaralan sa kanilang bayan. . Ang coordinator ng proyektong ito ay ang mga asawa at kamag anak ng bawat miyembro. Sila ang pumupunta sa mga paaralan para kumuha ng liham galing sa principal ng paaralan at sila na rin ang namamahala sa pagtanggap ng door to door delivery galing sa Hong Kong. Layunin nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na matutong gumamit ng computer sa kanilang murang edad. "Noong bata pa ako wala pang computer, kaya gusto kong matulungan ang mga batang matuto" ani Cantiller, Sa pamamagitan ng proyektong ito ay hangad ni Cantiller na lalo pang mapalawak ang sakop ng kanyang organisasyon. Gusto daw niyang mas marami pang bata sa Capiz ang magkaroon ng pagkakataong makakita man lang ng computer kasabay ng patuloy na pagsulong ng teknolohiya sa iba-ibang parte ng mundo. Hindi man nagkaroon ng sariling pamilya ay masaya pa rin si Cantiller dahil malaya niyang nagagampanan ang kanyang tungkulin sa kanyang organisasyon. Tutal, nandiyan din naman ang kanyang kapwa miyembro na tumatayo hindi lang bilang kapamilya niya, kundi kapuso na rin. - The Sun- HK