ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Teresita Perez-Villanueva: OFW noon, negosyante ngayon


Dalawampu’t-limang taon na nagtrabaho si Teresita Perez-Villanueva bilang nurse sa Saudi Arabia. Unti-unting sinimulan ni Tess ang pagbuo sa kanyang pangarap na magkaroon ng matatag na negosyo sa pamamagitan ng produktong pampaganda ng kutis na tinawag niyang “Magic Cream." Ito ay nagsilbing magic na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay. Sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nagpatayo ng planta si Tess para sa kanyang negosyo. Kaya nang lumuwas ito sa Maynila, agad siyang kinapanayam ng GMANews.TV sa kanyang opisina sa Timog, Quezon City. Sa umpisa, tila may pag-aalinlangan pa siya na ibahagi ang buong kwento ng kanyang buhay. Ngunit nang mapaliwanagan na ang kanyang karanasan ay tiyak na magbibigay ng inspirasyon sa iba pang OFW at mga nagbabalak na magtrabaho sa ibang bansa, naging magaan ang loob ni Tess na magkwento. Dagok sa dibdib Sa pagkakataong ito, hindi lang ang tagumpay ang kanyang naikwento kundi maging ang kabiguan sa buhay may-asawa kapalit ng malaking sweldo sa pangingibang-bayan. “Dalawang buwan pa lang akong nakakaalis, nagloko na ang asawa ko. Naghanap kaagad (ng iba) kaya nauwi sa hiwalayan ang pagsasama namin," kwento ni Tess. May isang anak si Tess sa kanyang unang asawa. Dalawang taon pa lang daw ang kanyang anak nang magkahiwalay sila ng kanyang unang asawa. Pero ipinagmalaki ni Tess na ang kanyang anak ngayon ay isa nang matagumpay sa kanyang napiling propesyon. Pangalawang pagtibok Kung madaling nakahanap ng kapalit ang kanyang asawa, umabot naman ng siyam na taon bago muling tumibok ang puso ni Tess. Nakilala niya si Nelson na nagtatrabaho rin noon sa KSA at katuwang niya ngayon sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo, ang Pervil Cosmetics Philippines,Inc. Nagbunga rin ang kanilang pag-iibigan ng isang supling. Ang Pervil Cosmetic ay gumagawa ng mga whitening lotion, skin toner, sun block at iba pang beauty products ay pinagsamang Perez at Villanueva (www.pervil.com). “Mahirap ang pinagdadaanan ng mga OFWs. Iyung iba nagkakasakit lalo na kung may problemang iniisip sa Pilipinas. Gaya ng experience ko, nasa malayo akong lugar (pero) ang iniisip ko ang anak ko. Mabuti na lang nandoon ang mga kapatid ko," aniya. Ang pagkakaroon ng broken family sa mga OFWs ay isang seryosong problema na dapat pag-ukulan ng pansin ng pamahalaan upang maisalba ang mga nawawasak na pamilya, ayon kay Tess. "Masasabi natin na kaming OFWs ay hero dahil sa taas ng remittance pero hindi alam ng pamahalaan ang malalang nagiging resulta at kapalit ay socio-economic problem." Tulad ng iba, naranasan din ni Tess ang sobrang kalungkutan dahil sa paghihiwalay nila ng unang asawa. Pagpupursigi Ngunit naisip niya na lalo lamang mawawalan ng saysay ang kanyang pangingibang-bayan kung hahayaan niyang masira ang kanyang sarili. Dapat bumangon kapag nadapa. Maging mas matatag para harapin ang ano mang dagok ng buhay. “Naku, naging glutton ako noon! ‘Yung depression ko dinaan ko sa pagkain. Kain ako ng kain kaya tumaba ako. Pero na-realize ko dapat magpursige ako para sa anak ko at sa mga kapatid ko. Kaya ginawa kong busy ang sarili sa trabaho at sideline sa pagtitinda, pag-attend sa activities ng mga OFW, at saka palihim akong nag-attend ng charismatic group kasi bawal doon," paliwanag ni Tess. Payo niya sa OFWs na nakararanas ngayon ng problema sa kanilang asawa na naiwan sa Pilipinas: "Kung maisasalba pa ang pamilya, umuwi na lang. Pero kung hindi na, i-sacrifice na talaga. Isubsob mo na lang ang sarili sa trabaho at magpayaman para sa anak mo. Kailangan maging praktikal sa hirap ng buhay lalo na ngayon." Kailangan umanong mag-usap ng masinsinan ang mag-asawa kung magtatrabaho sa ibang bansa ang isa sa kanila. Dapat umanong ihanda ang sarili sa paglalayo at pagtuunan ng pansin ang mga bata kung mayroon mang anak. Kailangang magsakripisyo at magpakatatag ang bawat isa. “Nakakaawa ang mga bata. Kaya ‘di ba may mga balita na karamihan, ‘yung mga anak ng OFW, it’s either nalululong sa bawal na gamot o kaya nabubuntis kasi hindi nagagabayan, napapariwara. ‘Yan dapat ang iisipin din ng mag-asawa bago umalis kung ano ang magiging resulta ng pag-alis," patuloy na kwento ni Tess. “I’m talking from my experience. ‘Yung pamangkin ko na OFW din ang asawa. Sinabihin ko na huwag nang umalis dahil baka masira ang pamilya nila. Pero nagtuloy rin, hindi ako nagkamali nagkahiwalay sila, may tatlo silang anak," ayon kay Tess. Aniya, mas mabuti na magtrabaho sa ibang bansa habang wala pang asawa at hanapin na lamang sa bansang pupuntahan ang taong nais niyang makasama sa habang buhay upang hindi humantong sa ganitong problema. Nagaya sa kaklase Taong 1979 nang mag-alisan ang mga kaibigan at dating kaklase ni Tess patungong KSA upang doon magtrabaho. “Nag-alisan silang lahat, na-tempt tuloy akong sumama, parang nainggit ba ako. I used to go with them, ako ang nagda-drive sa kanila with my car kapag nag-a-apply (sa KSA) tapos one day bigla, ako na lang mag-isa. That was August of 1979," kwento niya. Isa umano sa mga kaibigan niya ang nanghikayat sa kanya na mag-apply na rin sa KSA kahit isang taon lang upang makaipon ng puhunan sa kanyang negosyo na pamimili ng palay. “Sabi ng isa kong kaibigan sumama ka na kahit isang taon lang para makaipon ka ng malaking kapital (puhunan). Nasa early 20s ako noon kaya ‘yung isang taon lang sana tumagal ng tumagal. Dahil nga wala pang isang taon, nagluko na ang aking asawa," pagpapatuloy ni Tess. Abril 3, 1980 nang magsimulang magtrabaho si Tess sa Ministry of Health ng KSA kung saan tumagal siya ng 11 taon. At ang remaining years ay sa Ministry of Defense and Aviation. Hindi naman umano mahirap ang trabaho bagaman naging problema sa simula ang language barrier. Pagsisilbi sa prinsesa Hindi nagtagal ay na-komisyon siya sa Palace clinic na pinamamahalaan ng deputy prime minister at crowned prince ng KSA. Dito ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makasama ang mga prinsesa. Pinagmasdan ni Tess ang paraan ng pagpapaganda ng mga prinsesa at sa kanyang sarili at pinag-aralan ang mga sangkap na inihahalo sa mga beauty products na ginagamit ng mga ito. “Hindi naman sila (Prinsesa) bumibili ng mga beauty products. Mga raw materials din ang ginagamit nila tapos may nagtitimpla. Ako ngayon, pinag-aralan ko rin, nag-eksperimento ako kung ano ang mga dapat pang ihalo sa timpla hanggang ma-perfect ko na ang “Magic Cream," ayon kay Tess. Pinasubukan ni Tess ang kanyang “Magic Cream" sa mga prinsesa at sinimulan na rin niya itong ibenta sa Pilipinas at ibang OFWs. Sa pagsasalin-salin ng kwento tungkol sa kanyang cream, lumaki ang demand hanggang sa magpasya siyang magtayo na ng laboratory sa Kapitan Pepe Subd. sa Cabanatuan. Umalis din siya sa Royal Family at bumalik sa “mother unit" na hospital sa KSA dahil nahihirapan siyang gumalaw sa palasyo upang maipagpatuloy ang paggawa ng beauty cream. “Kapag kailangan ko ng raw material hindi ka basta-basta makalabas kasi siyempre because of security sa palasyo. Hindi ka rin basta-basta makaalis kasi baka bigla kang ipatawag," aniya. Aiming high Nitong 2005, bumalik ng bansa si Tess upang tutukan ang pagpapalago sa “Magic Cream" na ibinebenta na sa Mercury Drug, Watsons Personal Care Store, Southstar Drugs, selected Hortaleza outlets, Makro, Hypermart at leading pharmacies at shopping malls. Ang sikat na television host na si Pia Guanio ang napili nilang image model sa pagpo-promote ng produkto. Bukod pa rito ang mga naipundar na negosyo sa Cabanutuan na mango plantation, palayan, at columbaruim. Tumanggap na rin ng iba’t-ibang parangal si Tess sa kanyang produkto at sa kanyang narating bilang OFW. Tumanggap s'ya ng “Leadership Award" bilang isang nurse nung s'ya ay OFW pa. Naging finalist din ang kanyang pamilya sa “Search for OFW family" ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Tumanggap din s'ya ng parangal bilang Natatanging Anak ng Siyudad ng Cabanatuan. “Minsan naiimbitahan akong magsalita sa forum for OFWs. May nagsasabi na ‘buti ka pa successful na kami kumakayod pa.’ Ang payo ko naman ‘aim high.’ Dapat magsikap talaga at maghanap ng negosyo na pwedeng pasukin kasi hindi for life OFW ka. Bigyan mo rin ng time ang sarili na ma-enjoy ang mga pinaghirapan mo," payo ni Tess. Target ngayon nina Tess at Nelson na palawakin ang operasyon ng kanilang “Magic Cream" sa ibang bansa katulad sa Hawaii, Guam, Canada, England, Japan, Taiwan, Hong Kong at China, USA at Middle East countries. Nasimulan na nilang maglagay ng distributors sa ilang mga bansang nabanggit. “Ngayon, dahil sa tagumpay ng business ko, mas marami akong mabibigyan ng trabaho at hindi na siguro nila maiisipan na mangibang bansa," pagtatapos ni Tess– Fidel Jimenez, GMANews.TV