ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagyong Mina lumalakas, Maynila naghahanda na


Lumakas ang bagyong Mina (international name: Mitag) habang papalapit sa Bicol region, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration Services (Pagasa) nitong Huwebes. Batay sa advisory ng Pagasa alas-11 ng umaga, namataan ang bagyong Mina may 490 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes dala ang hanging may lakas na 120 km bawat oras malapit sa gitna at bugsong aabot sa 150 kph. Ang bagyong Mina ay naglalakbay pa-kanluran sa bilis na 15 kph. Inaasahang sa Biyernes ng umaga ay nasa 180 km sa silangan ng Virac, Catanduanes si Mina. Samantala, sa Sabado ng umaga ang bagyo ay nasa 40 km sa silangan ng Daet, Camarines Norte at 60 km sa kanluran ng Tayabas, Quezon ng Linggo ng umaga. Nananatili ang babala ng bagyo bilang 2 sa probinsya ng Catanduanes habang nakataas pa rin ang Signal No. 1 sa Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Quezon, Polillo Island at Northern Samar "Residents in low lying areas and near mountain slopes under public storm warning signals are alerted against possible flashfloods and landslides. Likewise, residents in coastal areas are also advised to be alert for big waves generated by this tropical cyclone," ayon sa advisory ng Pagasa. Samantala, patuloy na naglalakbay palabas ng bansa ang bagyong “Lando" at huling namataan may 180 km sa Kanluran-Timog Kanluran ng Pagasa Island (Kalayaan Islands) sa Palawan nitong Miyerkules. May dalang hangin si “Lando" na aabot sa 105 kph malapit sa gitna at bugso ng hangin na aabot sa 135 kph. Patungong Kanluran-Hilagang Kanluran sa bilis na 11 kph ang bagyo at inaasahang nasa 260 km sa Kanluran-Timog Kanluran ng Pagasa Island sa Biyernes ng umaga. Nakataas pa rin ang babala ng bagyo bilang 1 sa Kalayaan Group of Islands. Paghahanda ng Metro Manila kay Mina Sinimulang baklasin ng mga opisyal sa Kamaynilaan nitong Huwebes ang mga naglalakihang billboards at tiangge sa tabi ng ilog bilang paghahanda sa paghampas ng malakas na hangin at posibleng biglaang pagbaha bungsod ng parating na bagyong Mina. Ayon sa ulat ng dzBB radio, hinikayat ng mga opisyal ng Marikina City ang mga may-ari ng tindahan sa tiangge malapit sa Marikina River sa barangay Santo Niño na pansamantalang tanggalin ang kanilang mga stall bago dumating ang bagyo. Sa Maynila, iniutos ni Mayor Alfredo Lim na baklasin ang mga billboard sa kahabaan ng Quezon Boulevard sa Quiapo at Osmeña Highway, maging ang mga kalsada sa Sta.Cruz, Manila. Iniutos ito ni Lim upang maiwasan ang mga pinsalang dulot ng mga billboard na maaaring bumagsak dahil sa malakas na hangin. Ipinahahanda na rin ni Lim ang ilang pampublikong paaralan sa Maynila na maaaring gawing evacuation center sakaling ilikas ang mga residenteng nakatira sa mababang lugar. Bukod dito, pinababantayan ng alkalde ang Isla Puting Bato, Baseco Tondo at Binondo, mga lugar na madalas magkaroon ng baha. Samantala, hindi sinuspinde ng Department of Education (DepEd) ang klase sa lahat ng antas bagama't patuloy ang pag-ulan at pagbaha sa mga lansangan sa Kamaynilaan nitong Huwebes ng umaga. Ayon sa Deped hindi sila inabisuhan ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) tungkol sa pagsuspinde ng klase. Dahil dito, ipinaubaya na lamang ng ahensya sa mga principal ng paaralan, division superintendents o kaya’y sa mayor ang desisyon sa pagsuspinde ng klase. Pagkakaisa Nanawagan ng pagkakaisa si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa lahat ng sektor nitong Huwebes dahil sa pagbabadya ng bagyong Mina sa Bicol at Katimugang Luzon. Iniulat ng dzEC radio na si Pangulong Arroyo mismo ang nanguna sa relief operations sa Mindanao na naunang sinalanta ng bagyong Lando. Pinutol ng Pangulo ang kanyang pagdalo sa ika-13 Southeast Asian Nations (Asean) summit sa Singapore at nagbigay ng utos para sa paghahanda sa pagdating ng bagyo. Samantala, naka-alerto ang Philippine Coast Guard nitong Huwebes at tinitiyak na walang maglalayag na sasakyang pandagat sa mga karagatan habang nananatili ang banta ng bagyo. - Mark J. Ubalde, GMANews.TV