ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Manila Ocean Park, bagong pasyalan sa Maynila


MANILA, Philippines - Hindi na kailangang dumayo sa Hong Kong, Japan o Singapore upang makaranas ng close encounter sa mga nilalang ng karagatan sa loob ng dambuhalang aquarium. Nitong Pebrero, binuksan sa publiko ang kauna-unahang marine park sa Pilipinas. Ang P1.2 bilyong Manila Ocean Park na makikita sa Manila Bay, malapit sa Quirino Grandstand sa Rizal Park (kilala bilang Luneta). Ang Manila Ocean Park ay may sukat na 8,000 square meters na mas malaki kumpara sa Sentosa Ocenaruim sa Singapore na may sukat lamang na 6,000 square meters. Higit na malaki rin umano ang ocenarium ng Manila Ocean Park kaysa sa ocenaruim sa Hong Kong Ocean Park. Tinatayang mahigit na 20,000 marine inhabitants o 300 species ang makikita sa ocenaruim ng Manila Ocean Park. Hinati ang oceanaruim sa anim na bahagi na tinawag na Agos, Bahura, Buhay na Karagatan, Pating, Ang Kailaliman, at Laot. Ang pangunahing atraksyon sa parke ay ang 25-metrong haba ng transparent tunnel kung saan makikita ang mga nilalang ng dagat. Ang karanasan ay tila paglalakbay sa ilalim ng dagat pero hindi na kailangan pang mabasa. Sinabi ni Philippine Tourism Authority general manager Robert Dean Barbers na bukod sa paglilibang, makatutulong din ang marine park sa edukasyon ng mga kabataan upang matuto silang magbigay ng paghahahalaga sa kalikasan, partikular sa karagatan. Pumirma rin sa isang memorandum of agreement ang Manila Ocean Park at Department of Education (DepEd) upang bumuo ng komprehensibong programa na tinawag na "Love for Marine Life" na isasama sa curriculum ng mga mag-aaral sa Grade 3 at 4. Bukod sa ocenarium, makikita rin sa marine park ang malls, restaurant, hotels at iba pang tindahan. - Fidel Jimenez, GMANews.TV