ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

KAMPI kay Gloria


KAMPI

Itinayo ang Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi) ng ilang dating kasapi ng Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) upang isulong ang kandidatura ni Gloria Macapagal-Arroyo sa halalang pampanguluhan noong 1998.

Sina Jose "Peping" Cojuangco, Jr., Hermie Aquino, Amado Bagatsing, at Emigdio Tanjuatco, Jr. ang core group na nagtatag ng Kampi.

Para kay Gloria

Bago pa man nila itayo ang Kampi, ang grupo nina Cojuangco ay naniwalang si Arroyo -- na nanguna sa 1995 senatorial elections -- ang mas maiging maging kandidato sa pagkapangulo sa halip ang noo'y pinuno ng LDP na si Senador Edgardo Angara.

Lalong nadismasya ang grupo nina Cojuangco nang tanggalin ng pamunuan ng LDP si Senador Neptali Gonzales bilang pangulo ng Senado at pinalitan siya ng kasapi ng ibang partido. Tinuligsa nina Cojuangco ang aksyong ito at nagtayo sila ng bagong paksyon. Dahil dito, itiniwalag sila sa LDP.

Ilang linggo matapos patalsikin sa LDP sina Cojuangco dahil sa pagtatayo ng bagong paksyon at pagsusulong sa pagkandidato ni Gloria, nagbitiw sa partido si Arroyo upang samahan ang kanyang mga tagasuporta. Noong Enero 15, pormal na binuo sa Makati ang partidong Kampi ng 43 founding members, kabilang ang si Arroyo at ang kanyang asawang si Jose Miguel at bayaw na si Ignacio. Si Gloria Arroyo ay itinalagang pangulo by acclamation.

Setyembre 24, 1997 nang kilalanin ng Commission on Elections ang Kampi.

Nag-Lakas si Gloria

Pagsuporta sa pagkandidato ni Arroyo ang naging batayan sa pagsali sa partido. Ngunit iniwan ni Arroyo ang Kampi para maging kandidato sa pagka-pangalawang pangulo sa ilalim ng Lakas-NUCD-UMDP.

Noong Enero 22, 1998, nanumpa si Arroyo bilang bagong kasapi ng Lakas. Pumirma rin si Arroyo at si Jose de Venecia, pangulo ng Lakas, ng declaration of merger ng Kampi at Lakas.

Ngunit sa una'y hindi kinilala ng Kampi ang pakikipagkaisa ni Arroyo sa Lakas. "The merger agreement entered into with Lakas does not bind the party (Kampi) since this was executed by Ms. Arroyo who is no longer a member of Kampi and therefore cannot represent the same," wika ni Cojuangco sa isang sulat sa Comelec.

Pagkatapos ng halalang 1998, pumayag na rin ang pamunuan ng Kampi na makipagkoalisyon na rin ang Kampi sa Lakas-NUCD, na naging Lakas-CMD. Ang Lakas-CMD-Kampi ang naging oposisyon sa administrasyong Estrada.

Pero noong bago ang eleksyon, bumuo pa ng koalisyon ang Kampi at Liberal Party para suportahan ang pagtakbo sa pagkapangulo ni Alfredo Lim. Sa kabila nito, may mga kasapi pa rin ang Kampi na sumuporta kay de Venecia, running mate ni Arroyo, ayon kay Tanjuatco. 

Solid naman daw sila sa likod ni Arroyo, ani Pastor Boy Saycon, isa sa mga founding members ng partido at kritiko na ngayon ni Arroyo.

Nanalo bilang pangalawang pangulo si Arroyo sa halalang 1998, ngunit hindi pinalad si De Venecia, na natalo ni Joseph Estrada ng Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMMP). Ang LAMMP ay nabuo mula sa LDP ni Angara, Nationalist Peoples' Coalition ni Danding Cojuangco, at Partido ng Masang Pilipino ni Estrada.

Lakas-Kampi

Nagre-organize ang Kampi pagkatapos ng People Power 2, na nagluklok kay Arroyo sa pagkapangulo. Si Arroyo ang ginawa nilang titular head.  Noong eleksyong 2004, tumakbo at nanalo si Arroyo sa pagkapangulo sa ilalim ng Lakas.

Pagkatapos ng eleksyon, muling nag-reorganize ang Kampi sa pamumuno ni Ronaldo Puno, na naging campaign strategist ni Arroyo. Sa pagre-recruit, hindi nila ini-require na iwan ng mga bagong miyembro ang dati nilang partido.

Sa kasalukuyan, kapuwa kabilang ang KAMPI at Lakas sa majority coalition sa House of Representatives.

Kilala ang Kampi bilang partido ni Arroyo at ang bumubuo rito ay kanyang mga kapamilya tulad ng anak niyang si Camarines Sur Rep. Diosdado "Dato" Arroyo at bayaw na si Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo ngunit sa kasalukuyan ay wala siyang official designation sa partido. Ani Villafuerte, tinanggihan daw ni Arroyo ang alok na muling maging honorary chair ng Kampi. Honorary chair na rin kasi si Arroyo ng Lakas at Liberal Party bago mahati ang huli sa dalawang paksyon.

 

Kampi founding members

  1. Gloria Macapagal-Arroyo
  2. Emigdio S. Tanjuatco, Jr
  3. Jose S. Cojuangco, Jr.
  4. Herminio S. Aquino
  5. Amado S. Bagatsing
  6. Margarita R. Cojuangco
  7. Luis T. Santos
  8. Pastor T. Saycon
  9. Mario P. Sumulong
  10. Jose Miguel T. Arroyo
  11. Antonio N. Villamor
  12. Ignacio T. Arroyo
  13. Diosdado Macapagal, Jr.
  14. Arturo M. Alejandrino
  15. Catherine Mae C. Santos
  16. Pacifico T. Pupos, Jr.
  17. Rolando P. Montiel
  18. Simeon E Garcia, Jr.
  19. Anacleto D. Badoy, Jr.
  20. Wencelito T. Andanar
  21. Annie C. Llamson
  22. William M. Esposo
  23. Dante A. Ang
  24. Romeo D.L. Santos
  25. Leonardo T. Galang
  26. Jaime D. V. Zapanta
  27. Ronaldo E. Quiwa
  28. Eduardo G. Policarpio
  29. Magno A. Abrigo
  30. Marilou A. Bendigo
  31. Manuel A. Cantos
  32. Renato B. Padilla
  33. Mario K. Espinosa
  34. Irma A. Villanueva
  35. Eduardo T. Angkiangko
  36. Giovanni D. Benignos
  37. Marcial S. Bustria
  38. Jose L. Vasquez
  39. Noel L. Mendoza
  40. Eric S. Barriga
  41. Pedro Villa Flores
  42. Silverio Tanada
  43. Erlinda U. Celespara