OPINION: Ask Atty. Gaby: Viral child abuse
Samu’t sari ang reaksyon ng bayan sa viral na kasong ito. Babala, sensitibo ang video na mapapanood ninyo.
Viral online ang video ng pananakit sa isang anim na taong gulang na batang lalaki ng boyfriend ng nanay niya sa Caloocan City.
Ang bata, iniligtas ng tiyuhin at inilipat sa bahay niya sa katabing barangay.
Sa medico legal report, lumabas na nabasag ang ngipin at nagkapasa ang labi ng bata dahil sa na-caught on cam na pambubugbog.
Pero heto ang ikinagulat ng marami. Sabi ng nanay ng bata na nagta-trabaho abroad, iaatras niya ang reklamo laban sa boyfriend.
Sa halip, ang irereklamo niya — ang isa pa niyang kapatid na nag-post online ng video ng pang-aabuso sa anak niya.
Kuwento ng ina ng biktima, gusto niya talagang panagutin ang boyfriend noong hindi pa ipino-post ng kapatid ang video.
Inakusahan din ng nanay ang kapatid ng pananakit sa anak niya nu'ng nasa poder niya ito kaya ito ipinagkatiwala sa boyfriend, na itinanggi naman ng tiyahin ng bata.
Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol dito? Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., dahil ba iaatras ng nanay ng bata ang kaso sa boyfriend niya, ibig sabihin ba wala na siyang pananagutan kahit may video?
Sa mga kaso ng child abuse at pananakit sa mga bata, kahit na umatras ang mga magulang sa pagsampa ng kaso, maaari pa ring papanagutin ang may-salang nanakit sa bata dahil ang mga ganitong kaso ay maituturing na public crime at maaaring mag-file ng complaint ang ibang tao kahit na hindi nila kaano-ano ang biktima.
Sa ilalim ng RA No. 7610, ang mga sumusunod — maliban sa biktima at mga magulang — ay maaaring mag-file ng complaint for child abuse:
- ibang mga kamag-anak;
- ang mga officer, social worker or representative ng isang child-caring institution;
- ang mga officer or social worker ng DSWD [Department of Social Welfare and Development];
- barangay chairman; or
- tatlong concerned responsible citizens kung saan nangyari ang pang-aabuso.
May sapat naman na ebidensiya in the form of the video at maaari ding gamitin ang medico legal report at ang testimonya ng witnesses tulad ng ibang kamag-anak at kapitbahay.
Dapat siguro ay magsagawa rin ng parenting capability assessment sa nanay at tingnan kung may pagpapabaya ba ito. At dahil ipinagkatiwala ang anak niya sa ibang tao, dapat ay siguradong tanggalin kaagad ang bata sa kustodiya ng boyfriend na 'yan dahil nasa peligro ang buhay ng batang 'yan.
Ano naman ang sinasabi ng batas sa pag-post online ng video ng pananakit sa bata?
Sa isang banda, naging instrumental ang video na 'yan para mailantad ang pag-aabuso sa bata and of course, napakahalagang ebidensiya ito sa child abuse case.
But, hindi na dapat ipakita pa ang mukha ng bata at iba pang identifying marks dito – kung hindi, parang inabuso ninyo rin ang bata muli dahil ang pag-post ng ganito online is another form of child abuse. Mapapahiya at masasaktan ang bata.
Dagdag din dito, alam naman natin na ang pag-post ng mga litrato ng ibang tao – kung saan sila ay maa-identify – ay posibleng paglabag ng RA 10173 o Data Privacy Act, though maaaring i-argue na ang pagkuha ng video at ang pag-post nito ay para iligtas ang bata sa karagdagang kapahamakan at pang-aabuso.
But more than posting online – hindi po tayo fan ng posting online ng lahat ng bagay, hindi po tayo masyadong boto sa mga automatic na pag-post online lalo na kung makakasira sa reputasyon ng ibang tao o dadagdag lamang sa paghihirap ng biktima – ang pinakamagaling pa rin ay siguraduhin na mai-report ang kaso ng pang-aabuso sa mga otoridad at maisulong ang kaso.
Dapat din ay masiguro ang kapapakanan ng biktima para hindi maulit muli.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw dito.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip.
Ask me, ask Atty. Gaby!