ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Quake drill sa Gateway mall at LRT Cubao Station, nagsimula sa takdang oras


Eksaktong alas diyes y medya ng umaga, tumunog ang alarm sa loob at labas ng Gateway mall sa Cubao, Quezon City – hudyat ng simula ng Metro Manila-wide earthquake drill.

Agad nagsara ng tindahan ang iba't ibang store employee at nagtakip ng ulo.

Sa tulong ng mga usher at security guard, ginabayan ang mga tao patungo sa emergency exit at papunta sa ground floor.

Pagkalabas ng mall, dumiretso sila sa Parking B na kalapit ng Araneta Center Colisuem—na natukoy na evacuation site para sa Araneta Center malls. Dito daan-daang empleyado ang nagtipon.

Kabilang sa mga lumahok ay ilang buntis na saleslady. Ayon sa kanila, medyo nakatatakot ang earthquake drill dahil na rin sa kanilang kondisyon. 

Sa dami ng tao, naging siksikan daw sa emergency exit. Gayunpaman, wala umanong tulakan at maayos pa rin ang pagbaba ng lahat.

Isa sa mga nakausap ng GMA News lalaking na nakasaklay. Natapilok daw siya kamakailan kaya hindi makalakad ng maayos. Mahirap at mabagal daw ang kanyang pagbaba dahil sa pilay sila.

Bukod sa mga empleyado mayroon ding ilang mamimili na nakisali sa drill. Kwento ng isang senior citizen, inalalayan naman siya nang mabuti ng mga usher.

Bagaman may ilang nahirapan sa drill, sabi naman ng lahat, malaking tulong pa rin ito para maihanda sila kung sakaling mangyari ang lakas ng lindol.

Ayon sa pamunuan ng Araneta Center malls, boluntaryo ang partisipasyon ng mga store sa drill, kaya ilan sa mga owner nagpasyang hindi magsara.

Nagtagal lamang ng tatlumpung minuto ang drill ng naturang malls, kaya bandang alas onse ng umaga ay pinabalik na ang mga empleyado.

LRT

Samantala, sumali rin sa Metro Manila-wide earthquake drill ang LRT Cubao Station na katabi lamang ng Gateway mall.

Nang tumunog ang quake-drill alarm, tumulong sa paggabay ang mga pulis na naka-destino doon. Hindi nila pinayagang makapasok ng mall ang mga pasahero at sa halip ay pinababa ng istasyon.

Ang mga nakita nating problema--hindi nakilahok ang lahat sa drill, medyo masikip sa emergency exit kung ganun karami ang tao, bilad sa araw ang mga nag-evacuate patungong Parking B.  — LBG, GMA News