Coast Guard looking for missing student in Pasig River
Pinaghahanap ngayon ng Philippine Coast Guard sa Pasig River ang isang graduating student na hinihinalang inanod matapos nitong umalis ng bahay at mawala madaling araw ng Lunes.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras," kinilala ang biktima na si Lawrence William Montes, 22-anyos na Architecture graduating student, na nagpaalam 8 p.m. ng Linggo na makikipagkita sa mga kaibigan, ngunit hindi na nakauwi.
Sa isang CCTV video, makikitang tumatawid mula sa kanilang subdivision si Montes sa Zabarte Road, Caloocan City, at may pinarang isang puting utility vehicle at sinakyan ito.
Alas-tres ng madaling araw ng Lunes, nakatanggap ng text ang pamilya mula sa binata na "Quezon Bridge. 3:00."
Hindi na ma-contact ang cellphone ni Montes pagkatapos.
Napansin ng pamilya ni Montes na napakatahimik ng binata nitong mga nagdaang araw.
"Napakabait kasi nitong pamangkin ko. Gustong-gusto na niyang mag-work," ayon kay Tina Montes, tiyahin ng biktima.
Binaybay ng dalawang team ng Philippine Coast Guard ang Pasig River nitong Martes sa kanilang isinagawang search and rescue operation para kay Montes.
Naghanap sila sa ilalim ng mga tulay at dinayo rin ang ilalim ng mga nakatirik na bahay.
Sinuri rin nila ang mga barge na nakadaong sa gilid ng ilog.
Nag-file na ng report sa pulisya at sa NBI ang pamilya ni Montes.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakita umano ng mga nakatira sa gilid ng Pasig River na may lalaking inanod sa kaparehong oras na natanggap ng pamilya ni Montes ang text ng binata.
"Ang salita niya 'Saklolo! Saklolo! Saklolo!' Ang laki ng boses niya eh. Nakita namin parang lalaki eh," sabi ni Zenaida Perez, residente sa gilid ng Pasig River.
Ayon pa sa isang saksi, sinubukan pa ng lalaki na kumapit sa paanan ng tulay.
"Pero hindi niya talaga maabot, kaya naanod siya hanggang doon, sumisigaw ng tulong. Pagdating doon hindi na namin narinig," saad ni Rommel Itaas, residente sa gilid ng Pasig River.
Itutuloy ng Coast Guard ang kanilang surface search.
"'Yung Pasig River malakas po ang current, may time na high tide, 'pag low tide, papunta 'yan sa Manila Bay kaya nag-conduct tayo from McArthur Bridge going to Manila Bay area," sabi ni LCDR Crisanto Anas, Station Commander/ Coast Guard Station - Pasig.
Ginagawan pa rin ng paraan ng pamilya ni Montes para matagpuan ang binata.
"Sana po tulungan niyo kami mahanap ang pamangkin ko. Lawrence! Umuwi ka na, miss na miss ka na namin," ayon sa tiyahin na si Tina Montes. —Jamil Santos/NB, GMA News